14,178 total views
Nanawagan sa publiko si Billie Dumaliang, Director for Advocacy ng Masungi Georeserve Foundation Inc. na tukuyin at labanan ang mas malalim na anyo ng panlilinlang kaugnay sa krisis sa klima.
Binigyang-diin ni Dumaliang ang ‘climate accountability disinformation’ na, sa gitna ng umiiral na matinding epekto ng climate change, ay hindi tahasang itinatanggi ang krisis kundi inililihis ang pananagutan ng mga totoong may sala.
“In the Philippines, where the impacts of climate change are already severe, disinformation doesn’t deny climate change… Instead of denying the crisis, it distorts who’s responsible,” ayon kay Dumaliang.
Paliwanag pa ni Dumaliang, mahalagang tukuyin nang malinaw ang ganitong uri ng panlilinlang sa mamamayan, at panagutin ang mga totoong may pagkakasala sa tumitinding suliranin sa klima.
“We need to name it, call it out, and hold the right people accountable,” dagdag niya.
Sa kabila ng tumitinding pangamba mula sa mga sakuna at kalamidad na pinalalala pa ng hindi maayos na pag-unlad, umaapela ang Masungi Georeserve sa mas mahigpit na pagbabantay at mas pinaigting na paninindigan para sa katarungang pangklima.
Batay sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR), may 47 malalaking kumpanya sa sektor ng karbon, langis, semento, at pagmimina ang sinadyang binago ang mga datos ukol sa klima upang mailihis ang pananagutan sa lumalalang krisis pangkalikasan.
Itinuturing ng CHR na ang kapabayaan sa pagtugon sa climate change ay paglabag sa karapatang pantao, dahil direktang naaapektuhan nito ang karapatan ng buhay at dignidad ng mamamayan.
Sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco, tungkulin ng pamahalaan na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas at programa na mangangalaga hindi lamang sa mamamayan kundi maging sa kalikasan.