1,471 total views
Iginiit ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao sa mga opisyal ng lalawigan ng Nueva Vizcaya na hindi dapat madaliin ang pag-aalis ng barikada laban sa pagmimina sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte.
Ayon kay Bishop Mangalinao, may mahahalagang usapin pa na kailangang malinaw na matukoy, lalo ang pagmamay-ari ng mga lupang maaapektuhan ng proyekto ng Woggle Mining Corporation.
Ang panawagan ng obispo ay kasabay ng kahilingan para sa agarang pagpapatupad ng cease and desist order laban sa nagpapatuloy na mining exploration activities sa lugar kasunod ng pagsisilbi ng korte noong January 13, 2026, ng resolusyon para sa Writ of Preliminary Injunction na nag-uutos sa pagtanggal ng mga barikada patungo sa exploration site.
“Humihingi kami ng cease and desist order para huwag nang ituloy ang pag-aalis sa barikada sapagkat may mga katanungan pa, ang isa ay sino ang magmamay-ari sa mga lupang binabantayan ng mga tao. Kasi kaya malakas ang kanilang loob na isara ang daan dahil sa kanila ang lupa, private property. Sana ma-establish muna kung sino ang may-ari ng private property na nais daanan ng kumpanya,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Binigyang-diin din ni Bishop Mangalinao ang pangangailangang magsagawa muna ng land survey upang matukoy kung sino ang may lehitimong karapatan sa lupa, bilang bahagi ng patas at makatarungang proseso.
Kaugnay nito, hiniling din ng obispo ang mapagkalingang presensiya ng mga opisyal ng lalawigan at bayan, kabilang ang gobernador, bise gobernador, alkalde ng Dupax del Norte, at mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Bayan.
Umaasa si Bishop Mangalinao na magiging bukas ang mga namumuno sa lalawigan sa panawagan ng Simbahan at ng mga mamamayan para sa mapayapang resolusyon ng usapin.
Iginiit din ng obispo na ang pakikibaka ng mga residente ay hindi para sa pansariling kapakinabangan kundi para sa karapatan sa lupa at pangangalaga sa kalikasan.
“Maaring ang batas ay legal pero ito ay imoral, hindi tama, hindi maka-Diyos, hindi makabayan, dahil ang ipinagtatanggol ng tao ay ang kanilang karapatan at lupa, wala silang porsiyento, wala silang ipinagbibili, wala silang ganansiya. Kaya sino ang may ganansiya d’yan, sino ang nababayaran d’yan?,” giit ni Bishop Mangalinao.
Noong January 12, 2026, pinangunahan ni Bishop Mangalinao ang isang banal na misa, isang araw bago ipatupad ang Writ of Preliminary Injunction, bilang pagpapahayag ng pakikiisa sa mga apektado ng residente at panawagan sa mapayapa at makataong pamamaraan ng pakikipaglaban.
Batay sa 10-pahinang consolidated resolution ng Regional Trial Court Branch 30, iniutos ang agarang pagtanggal ng mga barikada sa Keon Barangay Road patungo sa exploration area.
Gayunman, nilinaw ng hukuman na hindi nito inaalis ang karapatan ng mga kinauukulang panig na ipaglaban ang kanilang karapatan at magsagawa ng nararapat na hakbang sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan.




