16,625 total views
Pinaalalahanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang publiko na huwag basta maniwala sa mga kumakalat na hindi beripikadong impormasyon.
Ayon sa PHIVOLCS, wala pang teknolohiya sa buong mundo ang makapagsasabi kung kailan at saan mangyayari ang malakas na lindol kaya naman hindi dapat na basta maniwala sa mga kumakalat na impormasyon lalo na social media.
Pinaalalahanan din ng PHIVOLCS ang publiko na huwag basta magpadala o mag-forward ng anumang hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng pagkatakot o pagkalito sa publiko.
“There is NO RELIABLE TECHNOLOGY in the world that can confidently PREDICT THE EXACT TIME, DATE, and LOCATION of large earthquakes. Please AVOID SHARING or BELIEVING messages from UNCONFIRMED and UNRELIABLE sources.” Bahagi ng abiso ng PHIVOLCS.
Giit ng ahensya, mahalagang magkaroon ng tamang kaalaman at sapat na paghahanda upang maging ligtas sa panganib ng malakas na lindol o anumang uri ng kalamidad o sakuna.
Hinikayat din sa tanggapan ang publiko na bisitahin ang official website at social media pages ng DOST-PHIVOLCS para sa mga opisyal na ulat at impormasyon.
“Visit our website and official social media accounts for information. Be Informed. Be Prepared.” Dagdag pa ng PHIVOLCS.
Bukod sa lindol o paggalaw ng lupa, binabantayan rin ng PHIVOLCS ang mga aktibidad ng mga bulkan sa bansa kung saan sa kasalukuyan ay nakataas ang Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, nakataas naman ang Alert Level 2 sa Bulkang Kanlaon, habang nakataas rin ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal at Bulusan.




