634 total views
Inaanyayahan ng Couples for Christ-Oikos at Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang mamamayan na makibahagi sa isasagawang programa kaugnay sa pagdiriwang ng Season of Creation at pagtatapos ng National Laity Week.
Ito ay ang “Listen to the Voice of Creation” na layong magtanim ng mga puno at isulong ang ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga pamayanan tungo sa wastong pangangalaga sa kalikasan.
Ang pangalan ng programa ng CFC-Oikos at SLP ay hango mismo sa paksa ng Season of Creation ngayong taon na hinihikayat ang bawat mananampalataya na pakinggan ang tinig ng nagdadalamhating kalikasan dahil sa patuloy na pang-aabuso ng mga tao.
“We appeal to everyone to fully support and actively participate in this noble undertaking as part of our sincere commitment and concrete effort to care for our common home and as our closing celebration of the 2022 National Laity Week,” ayon sa pahayag.
Isasagawa ang tree planting activity ngayong Sabado, unang araw ng Oktubre, mula alas-6:30 hanggang 10:30 ng umaga sa La Mesa Watershed Reservation sa Quezon City.
Hanggang limang participants lamang ang nakalaan sa bawat grupo o organisasyong nais makibahagi sa gawain.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan lamang kay Bro. Eduardo Garcia ng CFC-Oikos sa mga numerong 0917-146-9742.