640 total views
Isinagawa ng Diyosesis ng Alaminos ang Pandiyosesanong pagdiriwang ng National Migrants’ at Seafarers’ Day sa Saint Raphael the Archangel Parish sa Brgy. Eguia, Dasol, Pangasinan.
Ginanap ito kasabay ng kapistahan ni San Lorenzo Ruiz, ang kauna-unahang Pilipinong santo at martir na itinuturing ding patron ng mga migrante.
Ayon kay Sr. Marites N. Perez, SJPB, coordinator ng Alaminos Diocesan Ministry for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People, layunin ng pagdiriwang na kilalanin at isulong ang mahalagang gampanin ng mga Pilipinong migrante at marino sa pagbuo ng maayos na ekonomiya at lipunan.
Pagkakataon din ito upang alalahanin ang mga migrante at mandaragat na nasawi sa gitna ng karagatan at hindi na muling nakapiling nang buhay ng kanilang mga pamilya.
“Hindi lamang po sila pumapalaot o nagsasakripisyo pero ipakita po natin sa kanila na sila ay inaalala natin sa ating pagdarasal. At saka po ‘yung sama-sama tayo na kumbaga ay kahit po anong mga pagsubok na dumaan sa atin, tunay po na tayo ay magkakasama at kasama nila lagi tayo kung anuman po ‘yung ating pinagdadaanan,” pahayag ni Sr. Perez sa panayam ng Radio Veritas.
Pinangunahan naman ni Alaminos Apostolic Administrator Bishop Fidelis Layog ang banal na misa kung saan kanyang nabanggit sa pagninilay ang pagkakatulad ng buhay ng mga migrante at mandaragat sa pinagdaanan ni San Lorenzo Ruiz.
Ayon kay Bishop Layog, naging martir si San Lorenzo Ruiz dahil pinili n’yang ialay ang kanyang buhay para sa Panginoon, gayundin ang mga migrante at mandaragat na pinili ring magsakripisyo upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mahal sa buhay.
Paliwanag ng Obispo na kaakibat ng pagsasakripisyong ito ay ang pananalig na kasama nila ang Diyos upang maging gabay sa anumang pagsubok na haharapin sa paglalakbay.
“Maging martir tayo sa pamamaraan na nagsasabi sa lahat na mayroong Diyos tayong uuwian, mayroong Diyos na kasama natin. Mayroong Diyos na naggagabay sa atin. Siya ang babalikan natin,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Layog.
Nagpapasalamat naman si Fr. Alfred Viernes, kura paroko ng Saint Raphael the Archangel Parish sa biyayang natanggap dahil naging matiwasay at mapayapa ang isinagawang pandiyosesanong pagdiriwang.
Pinaalalahanan naman ng pari ang mga migrante at seafarers na naghahanapbuhay sa ibang bansa at karagatan na manatiling matatag at patuloy lamang na manalig sa Panginoon sa tuwing nakakaranas ng mga pagsubok sa buhay.