677 total views
Ito ang pagninilay ni Alaminos Apostolic Administrator Bishop Fidelis Layog sa isinagawang Alaminos Diocesan Celebration of National Migrants’ and Seafarers’ Day kasabay ng paggunita kay San Lorenzo Ruiz, ang pinakaunang Pilipinong santo at martir.
Ayon kay Bishop Layog, naging martir si San Lorenzo Ruiz dahil ninais niyang i-alay ang kanyang buong buhay upang paglingkuran ang Diyos.
Sinabi ng Obispo na hindi kinatakutan ng santo na harapin ang panganib at kamatayan dahil alam niyang may magandang kahahantungan ang kanyang masidhing pananampalataya sa Panginoon.
“Ang isang martir ay hindi po victim. Hindi po siya nasa sitwasyon na wala na siyang magawa. Ang isang martir ay isang taong ginusto n’yang mamatay… Iyan ang iniisip ni San Lorenzo na kahit siya’y mamatay, nandyan ang Diyos,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Layog.
Inihayag naman ni Bishop Layog na mayroong pagkakatulad ang naging buhay ni San Lorenzo Ruiz sa buhay ng mga migrante at mandaragat.
Ito ay ang pagiging matapang at matatag sa kabila ng kakaharaping panganib at pagsubok sa pagpunta sa ibang bayan o paglalayag sa gitna ng karagatan.
Paliwanag ng Obispo na ito ay maituturing ding isang uri ng pagiging martir dahil mas pinili ng tao na magsakripisyo upang magkaroon ng magandang kinabukasan para sa kanyang mga mahal sa buhay.
“We want to die; we want to sacrifice kasi may rason at mayroon tayong babalikan. Because kung wala tayong babalikan, kung palagi tayong nagpapalaot sa ating buhay, kung tinitingnan natin kung ano ‘yung gagawin natin sa buhay, kung ano ‘yung masaya, kung ano ‘yung maganda, what we enjoy pero wala naman tayong patutunguhan, walang kahulugan ang lahat. Pag wala ang Diyos, walang kahulugan ang lahat,” dagdag ni Bishop Layog.
Maliban sa pagiging patron ng mga lingkod ng dambana at kabataang Pilipino, itinuturing din si San Lorenzo Ruiz bilang patron ng mga migranteng Pilipino.
October 18, 1987 nang ganap na mapabilang si San Lorenzo Ruiz sa hanay ng mga banal ng simbahan.