323 total views
Ang pag-ibig ay lamang sa salita kundi sa gawa.
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal, Pangulo ng Caritas Internationalis sa kanyang pakikiisa at pakipagsalo sa pagkain sa mga dukha sa San Fernando de Dilao parish kaugnay sa pagdiriwang ng Simbahan sa “World Day of the Poor”.
Nagpapasalamat si Cardinal dahil nabusog siya hindi lamang sa pagkain kundi sa kabutihan at mga aral na ibinahagi ng mga dukha.
“Ang pag-ibig po ay hindi lamang sa salita kundi sa gawa kaya nagsasalo po kami ng tanghalian at sa pagsasalo nakita namin na kami pala ay tunay na magkakapatid.Hindi lamang po pagkain ang pinagsaluhan, ang mga kuwento ng buhay at ako po ay nabusog hindi lang sa masarap na pagkain kundi sa kanilang kabutihan at sa kanilang mga aral na nagpapayaman sa isang katulad ko.” pagbabahagi ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas
Inihayag ni Cardinal Tagle na ang “World Day of the Poor” ay paalala ng pagiging tao at dukha ng panginoong Hesu Kristo.
“Mga minamahal na kapanalig nandito po tayo sa Paco Parish sa San Fernando De Dilao Gymnasium po ng Paco Catholic School bahagi po ito ng pagdiriwang ng World Day of the Poor, Napakaganda po pinapa-alaala po sa atin ng pagdiriwang na ito na ang Panginoong Hesu Kristo ay naging tao at naging dukha at ang Diyos minamahal tayong lahat pero minamahal niyang lalo ang walang maasahan ang mga dukha.” mensahe ng Cardinal
Ipinaalala ni Cardinal na ang mga kapuspalad ay hindi lamang tumatanggap ng tulong bagkus sila ay nagbabahagi din ng kanilang dunong sa kapwa.
“Ang mga dukha po nating kapatid nangangailangan ng tulong pero hindi lang po sila taga tanggap ng tulong tayo rin tumanggap tayo sa kanilang kabutihan sa kanilang dunong, sa kanilang pananampalataya sa kanilang tibay ng loob sila po ang nagpapayaman sa atin.” paalala ni Cardinal Tagle.
Ipinagdarasal ng Cardinal na maging makabuluhan ang pagdiriwang ng iba’t-ibang Parokya, sa iba’t-ibang mga Vicariates at Dioceses sa World Day of the Poor na idineklara ni Pope Francis ngayong ika-19 ng Nobyembre 2017.