154 total views
Nangako ang Bantay Karapatan sa Halalan, kaisa ang Legal Network for Truthful Elections na tutulong upang mapaghilom at muling mapag-isa ang sambayanang Filipino matapos ang 2016 Local and National Elections.
Ayon kay Atty Rona Ann Carritos – Acting Executive Director ng LENTE, patuloy na sisiyasatin at pananagutin ng BKH ang mga anomalya at election related violence na naiulat sa kanilang tanggapan upang matulungan ang mga biktima na mapaghilom ang pisikal, mental at emosyonal na aspeto.
Dagdag pa ni Atty. Carritos, sa pamamagitan ng pagsuporta sa maluluklok na mga bagong opisyal ng pamahalaan, maipamamalas ng BKH at ng bawat Filipino ang muli nitong pagkakaisa sa kabila ng mga dinanas na hidwaan na dulot ng nagdaang eleksyon.
“Ang magiging role ng Bantay Karapatan sa Halalan at ng LENTE sa healing and unity natin bilang bansa ay makikiisa tayo sa ma-e-elect na leader natin, at ito po parte po tayong lahat sa pakikiisa kahit hindi po nanalo yung ating manok o yung gusto nating kandidato, dahil po lumabas na yung resulta ng eleksyon tanggapin nalang po natin ito ng one hundred per cent at mag promise tayo na susuportahan natin kung ano man yung programa ng gobyernong susunod.” Pahayag ni Carritos sa Radyo Veritas.
Samantala, mula sa mga ulat na natanggap ng B.K.H., nangibabaw ang paglabag sa karapatan sa pagboto kabilang na ang reverse vote buying, pagkawala ng pangalan ng mga botante sa voters’ list, magulong proseso ng pagboto, pagbibigay ng special treatment sa mga senior citizen at Persons with Disability at ang kakulangan sa seguridad ng publiko nang ginanap ang halalan.
Bukod dito, sa paunang datos ng Commission on Human Rights, nakumpirma ang 72 kaso ng election related violence simula Marso 2015 hanggang Marso 2016.
Samantala sa tala ng Philippine National Police noong 2013 umabot sa 81 ang kaso ng election related violence sa buong bansa na mas mababa kumpara sa 176 na kaso ng karahasan kaugnay ng halalan noong 2010.