8,809 total views
Matapos ang mahigit isang siglo na nakaluklok sa side altar ng dambana, muling iniluklok sa Altar Mayor ng Basilica Minore de Nuestra Señora del Pilar sa Sta. Cruz, Maynila ang makasaysayang imahe ng Nuestra Señora del Pilar de Manila.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang solemn enthronement bilang bahagi ng paghahanda para sa kapistahan ng patrona sa darating na Oktubre 19.
Sa kanyang homiliya, pinaalalahanan ng kardinal ang mananampalataya na tulad ng Mahal na Birheng Maria, dapat na patuloy maglakbay tungo kay Hesus — ang pag-asa ng sanlibutan.
“Mary assures us that hope never disappoints because Jesus is our hope. No power can triumph over the power of God. Goodness always prevails and love always has the final word,” ani Cardinal Advincula sa kanyang pagninilay.
Binigyang-diin ng arsobispo na itinuturo ng Mahal na Ina na nagkakaroon lamang ng tunay na kahulugan ang buhay ng tao kapag ito’y lubos na ipinagkakatiwala sa Panginoon.
Dagdag pa ni Cardinal Advincula, sa pagtulong, paglilingkod, at pagbabahagi ng kabutihan sa kapwa, naipaparamdam ng tao ang presensya ni Hesus na nagbibigay pag-asa sa mga pinanghihinaan ng loob.
Gayunman, kinilala ng kardinal na hindi madaling kumapit sa pag-asa lalo na sa gitna ng mga krisis, tulad ng mga kalamidad at sakunang dulot ng bagyo at lindol.
Gayunpaman, ipinakita ng Mahal na Birheng Maria ang halimbawa ng matatag na pananampalataya.
“Mary stood at the foot of the cross before her bleeding and suffering son. There she encountered God, who sustained her with strength and hope,” pahayag ng kardinal.
Pinaalalahanan din ni Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na si Maria ang Ina ng Diyos at ng Simbahan, at nararapat na gawing huwaran ang kanyang kababaang-loob, pananampalataya, at matatag na pag-asa.
“Let us listen to her wisdom and follow her example so that our celebration of this Jubilee of Hope may be deep and meaningful,” dagdag pa ng arsobispo.
Ang muling enthronement ng Nuestra Señora del Pilar de Manila ay itinuturing na makasaysayang pangyayari para sa Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament, sa Santa Cruz, Maynila, dahil ito ang unang pagkakataon sa loob ng mahigit isang daang taon na nasilayan muli ng publiko ang imahe ng patrona.
Ang seremonya ay bahagi rin ng Jubilee of Hope, na layong palalimin ang pananampalataya at pag-asa ng mga mananampalataya sa gitna ng mga hamon ng panahon.