24,918 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang bagong tatag na Office for the Postulation for the Causes of Saints ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na higit pang palawakin ang kamalayan ng mga Pilipino sa tunay na diwa ng kabanalan.
Sa kauna-unahang national postulation conference ng tanggapan, inanyayahan ng arsobispo ang lahat ng mananampalataya na gawing bahagi ng pang-araw-araw na usapan at pamumuhay ang pagiging banal.
“Let us ‘normalize’ the idea of sainthood for all, especially with the young people. God did not call the perfect or the ideal. He always looked at the heart and the potential,” ayon kay Cardinal Advincula sa kanyang mensahe sa “Llamados a ser Santos (Called to be Saints) Postulation Conference 2025.”
Ayon kay Cardinal Advincula, napapanahon ang pagpupulong lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng mundo at ng bansa, kung saan patuloy na hinaharap ng pamahalaan at lipunan ang mga hamon ng katarungan, kabutihan, at pananampalataya.
“It was when times were extremely dark that the Lord called saints to serve as beacons of light amid the decadence and despair,” dagdag kardinal.
Binigyang-diin ng arsobispo na ang tunay na kabanalan ay hindi nasusukat sa kawalan ng pagkakamali kundi sa patuloy na pagsisikap na mapalapit sa Diyos sa kabila ng kahinaan.
“We are saints in the making. We are saints in process. The Lord is not finished with us yet. The Lord is calling every one of us to be saints, to proclaim the light and joy of the Gospel in our homes, parishes, and communities,” dagdag pa ng kardinal.
Ipinaliwanag ng arsobispo na ang pagiging banal ay isang panawagan para sa lahat ng binyagan — isang misyon na mamuhay nang may kababaang-loob, pag-ibig, at pagkakawanggawa sa kapwa.
Ayon naman kay Laoag Bishop Renato Mayugba, chairperson ng tanggapan, pangunahing tungkulin ng Office for the Postulation for the Causes of Saints na tulungan ang mga diyosesis sa buong bansa sa pagsulong ng mga kandidato para sa pagiging santo at sa pagpapalawak ng kamalayan sa “universal call to holiness.”
“Ang mission ng Office of the Postulation of Saints na bagong tatag ng CBCP ay tulungan ang mga dioceses at communities na may mga candidates for sainthood and will assist in making people aware of this universal call to holiness,” pahayag ni Bishop Mayugba sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan, sinabi ng obispo na may 24 na Pilipinong kandidato sa pagiging santo, kung saan dalawa — sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod — ay pormal nang kinilalang mga santo ng Simbahang Katolika.
Kabilang naman sa hanay ng Venerables sina Ignacia del Espíritu Santo, Isabel Larrañaga Ramírez, at Teófilo Camomot, habang sa Servants of God naman ay sina Laureana “Ka Luring” Franco, Darwin Ramos, Bishop Alfredo María Obviar, at Niña Ruiz Abad.
Umaasa si Cardinal Advincula na sa pamamagitan ng gawain ng opisina ay mas marami pang Pilipino ang maituturing na huwaran ng kabanalan — maging sila man ay mga pari, relihiyoso, o karaniwang “saints next door.”
Dagdag pa niya, dapat tanggalin sa isip ng mga tao ang maling paniwala na ang kabanalan ay para lamang sa mga gumagawa ng himala o walang pagkakamali. Ang kabanalan, aniya, ay isang proseso ng pagpapaunlad ng kalooban at ugnayan sa Diyos.
Ginanap ang First National Conference on Postulation Work noong Oktubre 7, 2025, sa Pope Pius Catholic Center sa Paco, Maynila. Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang diyosesis, kongregasyon, at postulators na nagsusulong ng mga kandidato para sa kabanalan.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Cardinal Advincula ang lahat na ipagpatuloy ang paglalakbay tungo sa kabanalan.
“May we raise more Filipino saints — both canonized and ordinary next-door saints. May the Lord bless the work that you do. Padayon tayo sa landas ng kabanalan,” hamon ni Cardinal Adincula.






