219 total views
Hinimok ni Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga bakasyunista ngayong summer season na igalang ang kalikasan sa mga probinsyang kanilang pupuntahan.
Ayon sa Obispo, malaki ang kaibahan ng mga probinsyang inuuwian o pinagbabakasyunan ng mga nagtatrabaho sa Metro Manila dahil sa pagkakapreserba ng malinis nitong tubig at sariwang hangin.
Dagdag pa ni Bp Santos, dapat din igalang ang mga matatanda ng bawat probinsya dahil sila ang pangunahing nagpoprotekta sa kalikasan ng mga lalawigan.
“Mahalin nila ang kalikasan, pahalagahan nila ang kalikasan na kung saan makikita nila doon sa probinsya sa bayang kanilang pinuntahan o binalikan ay kumpara sa kanilang buhay sa Manila ay malinis pa rin ang tubig, malinis pa rin ang hangin, at masasarap ang pagkaing Pilipino kaya ito ay kanilang bigyan ng pagpapahalaga na kung saan ay ingatan, alagaan ang kalikasan. Alagaan at ingatan ang kanilang mga naiwan na matatanda at kamag – anakan.” Pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas
Ngayong taon naitala ang pinaka malaking bilang ng mga bakasyunista sa Pilipinas kung saan umabot sa 542,258 ang mga dumadayo kabilang na ang mga turistang mula sa ibang bansa.
13.17% itong mas mataas kumpara sa naitalang bilang ng mga turista noong 2015 na 479,149 sa buwan pa lamang ng Enero.
Magugunitang pinaalalahan din ng Kanyang Kabanalan Francisco, sa ensiklikal nitong Laudato Si, ang bawat tao na iwasan ang pagkakalat, dahil ang ating planeta ay nagmimistulan nang isang malaking tambakan ng basura.