176 total views
Nakikiramay ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples (CBCP – ECMI) sa mga nasawi sa pag – atake ng isang suicide bomber sa Gulshan-I-Iqbal park sa Lahore City, Pakistan habang ipinagdiriwang ng marami ang Easter Sunday.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP – ECMI, ang maling paniniwala ay naghahatid ng pinsala at kapahamakan lalo na sa mga inosenteng mamamayan.
Sinabi ng Obispo na naisasantabi ng mga terorista ang pagkilala sa kahalagahan ng buhay ng bawat mamamayan sa kanilang mundong ginagalawan.
“Dito natin makikita na ang isang mali at masamang paniniwala ay naghahatid ng kapinsalaan at ng kamatayan higit sa lahat sa mga inosenteng mamayan. Ang biktima rito ay kapayapaan, ang biktima rito ay mga babae at mga bata ang biktima rito ay mga Kristiyano na walang kalaban – laban, walang kamalay – malay na darating ang kamatayan dahil lamang sa mga walang puso sa mga hindi kumikilala sa karapatan at kahalagahan ng buhay. Kawalan ng puso na ang kanilang paniniwala at masamang paninindigan na akala nila sila ay tama yun pala ay baluktot na laging nagdudulot na lamang ng kamatayan,” pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas
Umaasa naman si Bishop Santos sa awa ng Diyos na siyang tutulong upang makabangon muli ang mga naulila ng mga biktima ng naturang pagsabog.
Panalangin rin ni Bishop Santos na huwag nawang mawalan ng pananalig at pananampalataya ang mamamayan roon na sila makababangon rin matapos ang trahedyang kanilang naransanan.
“Hindi tayo nawawalan ng pag – asa sa Diyos na ang Diyos ay tutulong, gagawa ng paraan, na ang Diyos ay gagawa ng pagbabago sa mga gumagawa ng karahasan. Ang aming panalangin na sana anuman ang paniniwala, anuman ang kaugalian ay kumilala sa kahalagahan, karapatan, karangalan ng bawat isa. Igalang ang karapatan na mabuhay ng marangal. Nanalangin rin tayo sa mga biktima na kung saan huwag silang mawalan ng paniniwala at pananalig sa Diyos,” panalangin ni Bishop Santos sa Veriras Patrol
Nabatid na sa datos ng Lahore rescue, 65 ang nasawi at 340 ang sugatan kabilang ang 50 mga bata.
Nauna na ring nagpa – abot ng Easter message si Pope Francis sa kanyang Urbi et Orbi o “To the city and to the world” na gamitin ang sandata ng pagmamahal at mapayapang negosasyon o diyalogo laban sa mga bansang lantad ang karahasan.(Romeo Ojero II)