6,745 total views
Sa paglunsad ng Relic Tour ni St. Tarcisius of Rome noong August 25 sa San Jose, ang Taga-pagtanggol Parish, sinabi ni Fr. Apolonio Arcala, OFM, kura paroko, na ang bawat paglilingkod sa dambana ng Panginoon ay paanyaya upang pahalagahan si Kristo na tinatanggap sa Banal na Sakramento.
“Mahalaga ang inyong ginagampanan sapagkat pinaglilingkuran si Kristo at nakikibahagi tayo sa bankete sa langit. Tulad ni St. Tarcisius, dapat pakaingatan natin si Kristo na ating tinanggap sa Banal na Eukaristiya,” pahayag ni Fr. Arcala sa Radyo Veritas.
Kasama sa paglulunsad ang vocation campaign at Holy Hour for Vocations.
Ayon kay Fr. Arcala, ito ay magandang pagkakataon upang ipanalangin na mas maraming kabataan ang magnilay at tumugon sa bokasyon ng pagpapari, pagmamadre, at buhay relihiyoso.
Ayon naman kay Bryan James Turiaga, Committee Chairman ng Relic Tour, ang layunin ng gawain ay ang pagpapalalim ng debosyon kay St. Tarcisius, patron ng mga altar servers at tagapagtanggol ng Banal na Sakramento.
“This is to promote St. Tarcisius of Rome para magkaroon ng deeper relationship ang mga bata, simbahan at komunidad sa pagmamahal sa Eukaristiya,” saad ni Turiaga.
Dagdag pa niya, ang pananalangin para sa bokasyon ay mahalaga upang matulungan ang mga kabataang sakristan na magnilay at tumugon sa tawag ng Diyos.
“Sana ma-touch ang mga kabataan na huwag matakot maglingkod sa Diyos, lalo na sa bokasyon ng pagpapari kasi kailangan natin ng mas maraming pari,” giit ni Turiaga.
Apela rin niya sa mga magulang na huwag hadlangan ang bokasyon ng kanilang mga anak kung nagnanais ang mga ito na maging pari at maglingkod sa simbahan.
Dinaluhan ng humigit-kumulang 500 altar servers mula sa mga diyosesis ng Novaliches, Cubao, at Archdiocese of Manila ang paglulunsad. Tampok sa programa ang Holy Hour for Vocations, prusisyon ng relic sa paligid ng parokya, at pagtatapos sa isang Banal na Misa na pinangunahan ni Fr. Arcala, katuwang sina Fr. Orly Jimeno, OFM, at Fr. Christian Ezequiel Bueno, OFM.
Mula sa San Jose, ang Tagapagtanggol Parish, bibisitahin ng relikya ang iba pang mga parokya kabilang ang Sto. Niño Parish sa San Mateo, Rizal; Jesus of Nazareth Parish; at St. Benedict Parish.
Si San Tarcisius ay isang batang Kristiyano sa Roma noong ikatlong siglo, sa panahon ng matinding pag-uusig. Bilang acolyte, nagdala siya ng Banal na Eukaristiya para sa mga bilanggong Kristiyano ngunit tumangging ipakita sa mga pagano ang kanyang dala. Dahil dito, siya ay binugbog hanggang mamatay. Dahil sa kanyang sakripisyo, siya ay kinilalang martir at ngayo’y patron ng mga sakristan at altar servers—isang huwaran ng tapang, pananampalataya, at pagmamahal kay Kristo.
Samantala, sa pilgrimage ng French altar servers sa Vatican kamakailan, hinimok ni Pope Leo XIV ang mga kabataan na maging matiyaga at tapat sa paglilingkod sa Panginoon. Kanyang paanyaya: buksan ang puso sa tawag ng Diyos, lalo na sa bokasyon ng pagpapari, pagmamadre, at buhay relihiyoso.
Ang buhay at sakripisyo ni San Tarcisius, kasabay ng paanyaya ni Pope Leo XIV, ay nagsisilbing paalala sa mga kabataan ngayon na ang paglilingkod sa Diyos ay hindi lamang isang tungkulin kundi isang biyaya. Sa pagiging tapat, matiyaga, at bukas sa bokasyon, natatagpuan nila ang tunay na kagalakan sa pakikibahagi sa misyon ng simbahan at sa pag-ibig ni Kristo.