144 total views
Kapanalig, maraming magulang ngayon ang naghahanda na para sa nalalapit na pasukan. Marami nga sa pamilyang Pilipino ngayon, said na ang budget dahil sa tution ng mga anak. Sa gitna ng paghahanda na ito, naitanong na ba natin kung ano nga ba ang estado ng access to education sa ating bansa?
Kapanalig, sa ating bansa, tuwinang nilalayon at pinipilit na makapasok sa paaralan ang lahat ng school-aged children. Kaya nga lamang mahirap ito gawin lalo sa nga sa mga hanay ng maralita, mga lugar na malalayo o remote, natamaan ng disaster o conflict, at may lubhang kakulangan sa pasilidad at guro.
Ayon nga sa datos ng Save the Children, bagaman madalas mataas ang attendance rate sa ating bansa, mga 6.2 million primary-school aged na mga bata ang hindi nakakapasok sa paaralan. Ayon naman sa datos ng Deped nitong 2011-2012, mga 6.38% ng mga batang nasa elementarya ang nag-do drop-out, habang 7.82% naman sa high school.
Ang mga public schools natin ay walang tuition; libre ito at bukas sa lahat. Kaya lamang, ang gastos sa pag-aaral ay hindi lamang para sa tuition. Kailangan din ng mga gamit gaya ng bag, kwaderno, baon. Ang mga ito ay mahal para sa maralita.
Kailangan din ng oras, kapanalig, at maraming mga kabataan, lalo sa maralita ang kulang nito. Kailangan kasi nila ang oras para tumulong sa pagtatrabaho. Alam naman natin na maraming mga bata sa ating bayan ang katuwang ng mga magulang sa pagtatrabaho. Umaabot nga sa mahigit limang milyon ang child laborers sa ating bansa na may edad 5 hanggang 17, ayon sa International Labour Organization (ILO).
Marami pa ang kailangan nating gawin kapanalig, upang mapanatili nating nasa paaralan ang mga bata. Unang-una, kailangan nating masigurado na ang mga magulang ay prayoridad din ang edukasyon ng kanilang mga anak. Kahit pa kasi maraming programang nilalatag ang gobyerno, kung ang magulang mismo ay hindi pinapasok ang mga anak nila sa paaralan, mawawalang saysay ang mga pagbabago.
Ang gobyerno naman ay nararapat na isuguro na may paaralang mapapasukan ang mga bata—mga paaralang accessible sa lahat. Maraming mga kanayunan sa ating bansa, kapanalig, walang public school. At dapat hindi lamang tayo malimita ng struktura. May mga paraan upang mabigyan ng primary education ang mga bata kahit sa lugar na mahirap abutin ng abutin ng formal schooling. Ang mga mobile schools, halimbawa para sa mga streetchildren. Sa mga remote areas, ang e-learning at iba pang inobasyon ay maari nating subukan at palawigin.
Kapanalig, ang edukasyon ay yaman ng tao. Ayon nga sa Populorum Progressio, ang economic growth ay nakasalalay sa pagsulong ng tao, kaya nga’t ang basic education ay dapat pundasyon ng kahit anong development plan. Dinggin natin ang gabay nito: Ang gutom para sa edukasyon ay gaya rin ng gutom ng katawan: nakapanliliit at nagnakaw ng dignidad.