461 total views
Alam niyo kapanalig, napakahalaga ng marriage and family sa ating lipunan. Ang pamilya ang batayang yunit ng ating lipunan. Mula sa ating mga pamilya, tayo ay umuusbong, nakikilala ang sarili, sumusulong, at natutong magmahal.
Itong buwan ng “Feb-ibig,” mainam na ating maikonteksto ang kahalagahan ng pamilya sa konsepto ng pag-ibig. Kadalasan kasi, lalo sa ating lipunan ngayon kung saan napakaraming impormasyon sa ating kamay dahil sa teknolohiya, nagiging mababaw ang ating pag-unawa sa pagmamahal. At masaklap man isipin, maaring dahil sa teknolohiya, ating nahihiwalay din ang romantikong pag-ibig sa konsepto ng kasal at pamilya.
Sa ating bansa, kapanalig, bumababa na ang bilang ng mga kinakasal. Noong 2019, bago pa magka COVID-19 bumaba na ang bilang nito. Mula 449,168 noong 2018, naging 431,972 na lamang ito. Mas bumaba pa ito, syempre, dahil sa pandemya. Mga 240,183 lamang ang nagpakasal noong 2020. Maraming salik o dahilan sa pagbaba nito. Mas marami na sa ating mga kababayan, ang nais na maisaayos muna ang kanilang mga karera bago magpamilya. Marami rin ang tumutulong pa sa kanilang mga magulang at kapatid. Wala tayong judgement sa bilang na ito- ang pagpakasal ay personal na desisyon, at ang mga rason sa desisyon na ito ay dapat lamang nating galangin, lalo na’t pinagninilayang mabuti ang tinatahak na landas.
Kaya lamang kapanalig, sa mga kinasal noong 2019, naitala ng Cagayan Valley Region ang mataas na bilang ng mga early marriages, na umabot sa 16,857. Mga 42% ng mga kinasal na ito ay mga teenager at young adults, at marami sa kanila ay nag-aaral pa.
Ang kasal kapanalig, sa ating mga Katoliko, ay sagrado. Ito ay isa sa ating mga sakramento. Ito ay estado ng buhay na atin dapat pinaghahandaan. Ito ay estado na dapat pinapasok ng buo ang isip at puso. Bilang bahagi ng paghahanda ng mga nais mag-asawa sa sakramento ng kasal, ang Simbahan ay may pre-Cana orientation o pre-marriage orientation o seminar. Ginawa ding mandatory ng pamahalaan ang pre-marriage orientation – ito ay kailangang pag-daanan ng lahat ng ikakasal, sa simbahan man o sa huwes.
Maliban sa premarriage orientation, kapanalig, maganda sana na mas aktibo rin ang ating lipunan sa pagtuturo sa ating mga mamamayan ng importansya ng pag-ibig at ang konteksto nito sa pamilya. Uncensored ang social media at internet sa kamay ng mga kabataan ngayon. Marami silang sources ng impormasyon ukol sa sekswalidad at pakikipag-tipan, pero kulang ang kanilang sources of information para sa mature, makatao, nagbibigay-galang, at marangal na pag-ibig. Sa ating panahon ngayon, highly-objectified at highly-sexualized ang tao sa media, mapapababae man o lalake, bata man o matanda. Dahil dito, hindi na natin nakikita ang totoong mukha ng pag-ibig.
Pangarap nating lahat na mamuhay ng puno ng pag-ibig. Magagawa natin ito kung ating mapapatatag pa ang pamilya. At isang paraan upang mapatatag ito ay ang paghahanda para dito. Ang paghahandang ito ay hindi kaya ng mga mag-sing irog lamang, lalo na kung sila ay bata pa. Tayo, bilang elders ng lipunan ay maaring magpapa-alala sa kanila na ayon sa Catechism of the Catholic Church, ang stabilidad ng pag-ibig at pamilya ay pundasyon ng malaya, matibay, at mapayapang lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.