1,586 total views
Pangungunahan ni Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. CMF, chairperson ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations between Bishops and Religious ang pagdiriwang ng banal na misa para sa paggunita ng World Day for Consecrated Life 2026.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “Consecrated Persons: Prophetic Witnesses of Peace in a Wounded World.”
Matatandaang una ng inihayag ni Bishop Ayuban sa naganap na Day of Encounter ng mga obispo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at ng mga kasapi ng Conference of Major Superiors in the Philippines na mahalaga ang malalim na diyalogo, pakikinig, at wastong paggamit ng awtoridad ay susi sa pagtatatag ng isang tunay na Simbahang sinodal.
Layunin ng pagdiriwang ng World Day for Consecrated Life na pasalamatan at ipanalangin ang mga kalalakihan at kababaihang inialay ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa sambayanan bilang mga saksi ng kapayapaan, pag-asa, at pag-ibig sa isang mundong sugatan ng karahasan at pagkakahati-hati.
Gaganapin ang pagdiriwang sa ikalawa ng Pebrero, 2026 mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa Mater Dei Auditorium ng St. Joseph’s College of Quezon City.
Inaanyayahan naman ang mga relihiyoso, relihiyosa, at mananampalataya na makiisa sa pasasalamat at panalangin para sa bokasyon ng buhay-konsekrado sa Simbahan.




