1,554 total views
Binigyang-diin ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na ang pagkakahirang sa Quiapo Church bilang Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno ay hindi lamang isang karangalan, kundi isang mabigat na pananagutang kaakibat ng mas malalim at mas malawak na paglilingkod ng simbahan at ng pamayanan ng mga deboto.
Ito ang naging mensahe ng kardinal sa kanyang homiliya sa pagdiriwang ng ikalawang anibersaryo ng deklarasyon ng Quiapo Church bilang pambansang dambana.
“Ang deklarasyong ito ay hindi lamang isang karangalan o titulo. Ito ay isang pagkilala at isang pananagutan,” pahayag ni Cardinal Advincula.
Ipinaliwanag ng arsobispo na matagal nang kinikilala ang Quiapo Church bilang tahanan ng puspos at nag-aalab na pananampalataya ng libu-libong debotong patuloy na dumadalaw sa dambana.
Kasabay nito ang isang hamon ng pagpapalalim at pagpapalaganap ng pananampalataya sa labas ng simbahan.
Ayon pa kay Cardinal Advincula, ang basilica ay nagsisilbing sagisag ng pag-asa para sa sambayanang Pilipino, lalo na para sa mga nasa laylayan at mahihinang sektor ng lipunan.
“Ang liwanag na nagniningas dito ay hindi lamang para sa Quiapo, kundi para sa buong sambayanang Pilipino, nasaan man tayo sa daigdig. Ang Quiapo ay hindi lamang isang karaniwang simbahan, kundi isang dambana ng pag-asa para sa lahat,” diin ng kardinal.
Dagdag pa ng arsobispo na malinaw na nakikita ng simbahan ang mga bunga ng buhay na debosyon sa Poong Hesus Nazareno kabilang ang patuloy na pagdagsa ng mga mananampalataya sa Eukaristiya at sa Sakramento ng Kumpisal, gayundin ang pananatiling matatag ng pananampalataya sa kabila ng kahirapan at pagsubok sa buhay.
Patuloy na paalala ni Cardinal Advincula na ang mga biyayang tinatanggap ng dambana ay hindi dapat manatili sa loob lamang ng Quiapo Church, kundi dapat isalin sa kongkretong pagmamalasakit at paglilingkod sa lipunan.
“Ang biyaya ay hindi iniipon; ito ay pinagyayaman sa pamamagitan ng pagbabahagi. Ang pagkilalang ibinigay sa Quiapo ay hindi hudyat ng pagtatapos, kundi panawagan sa mas malalim at mas malawak na paglilingkod,” ani pa ng arsobispo.
Hinamon din ng kardinal ang mga deboto na ipakita ang kanilang pananampalataya sa konkretong paraan, lalo na sa pagtulong at pakikiisa sa mga mahihirap at nangangailangan.
Bilang pambansang dambana, ayon kay Cardinal Advincula, tinatawag ang Quiapo Church na maging ilaw ng ebanghelisasyon, habag, at katarungan, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan naroroon ang mga debotong Pilipino.
“Ang debosyon sa Poong Hesus Nazareno ay dapat laging iugnay sa Salita ng Diyos, sa mga sakramento, at sa wastong pamumuhay. Ang dambana ay dapat maging paaralan ng pananampalataya kung saan ang debosyon ay humahantong sa tunay na pagbabagong-loob at pagsunod kay Kristo,” giit ng kardinal.
Matatandaang noong Enero 2024 nang magkasundo ang mga obispo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ideklara ang Quiapo Church bilang Pambansang Dambana ng Poong Hesus Nazareno. P
Pormal at maringal namang isinagawa ang deklarasyon noong January 29, 2025.




