239 total views
Binigyang diin ni Rev Fr. Edwin Gariguez – Executive Secretary ng CBCP NASSA / Caritas Philippines ang patuloy na hamon sa simbahan na maging mapagkalinga sa mga mahihirap.
Sinabi ni Fr. Gariguez na sa pagtatapos ng Philippine Conference on New Evangelization magsisimula ang pagtupad sa misyon ng simbahan na maging kaisa sa puso at diwa ng mga mahihirap.
“Mahalagang issue at layunin ay magkaroon ng isang puso at diwa, one heart and soul, bahagi yan ng ating new evangelization. Ang hamon natin, kailangan itong gawin sa mga mahihirap kasi ito yung panawagan din ng ating simbahan, solidarity at gayundin yung pakikiisang puso, lalo’t higit sa mahihirap at nangangailangan.,” bahagi ng pahayag ni Fr. Gariguez sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Pari, sang-ayon sa Acts and Decrees of the 2nd Plenary Council of the Philippines (PCP II), kinakailangang laging kilingan at piliing kampihan ng simbahan ang mga nangangailangan at inaapi sa lipunan.
“Sa mahabang panahon ito’y takbuhin dapat ng simbahan dahil sabi sa PCP II 1991, noon pa sinasabi na ang pagbabago ng simbahan, dapat magkaroon ng mashigit na pagkiling sa mga maralita preferential option for the poor at ito’y dapat mangyari sa tunay na buhay ng simbahan, pero ang tanong nangyayari ba? So ito’y hamon at patuloy na magiging hamon pa rin sa ating bagong ebanghelisasyon,” dagdag pa ng Pari.
Sa pag-aaral ng Oxfam International, 40% ng kabuuang populasyon sa mundo o katumbas ng 2.5bilyong indibidwal ang namumuhay ng mahirap.
Samantala, sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2015 natukoy na 21.5 milyong Filipino ang mahihirap at ang 34.3% nito ay mula sa sektor ng mga magsasaka habang 34% naman ang mula sa sektor ng mga mangingisda.