2,625 total views
Ipinapanalangin ni Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles Brown, ang mga mamamayang labis na naapektuhan ng magkakasunod na kalamidad sa bansa.
Sa kanyang pastoral visit on the air sa Radyo Veritas nitong Lunes, binigyang-diin ng nuncio ang serye ng mga sakunang tumama sa Pilipinas kabilang ang mga lindol sa Visayas at Mindanao, gayundin ang pananalasa ng mga Bagyong Tino at Uwan na nagdulot ng matinding pinsala sa iba’t ibang rehiyon.
“We pray in a very special way for those who have suffered in these recent natural disasters, the earthquake, the two typhoons that we’ve gone through,” ayon kay Archbishop Brown.
Ipinagdarasal din ng kinatawan ng Santo Papa ang katatagan at pagbangon ng bawat Pilipino, lalo na ng mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay, at hinimok ang lahat na magkaisa sa pagtulong sa mga biktima.
“We pray that God will comfort those who have suffered loss in any way, especially those who have lost their lives, that God will comfort their families, and that we will be generous in helping them,” dagdag pa ng nuncio.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 224 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng Bagyong Tino, kung saan 158 dito ay mula sa Cebu. Tinatayang halos isang milyong pamilya, o katumbas ng mahigit tatlong milyong indibidwal, ang apektado.
Samantala, umabot naman sa bilyong pisong halaga ang kabuuang pinsala sa mga ari-arian at imprastraktura dulot ng mga bagyo at lindol sa buong bansa. Dahil dito, isinailalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang buong bansa sa isang taong state of national calamity upang mapabilis ang pagtugon at rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.




