7,373 total views
Pinaalalahanan ng Kanyang Kabanalan Pope Leo XIV ang mga nagsisilbing Apostolic Nuncio at iba pang papal representatives sa iba’t ibang bansa na patuloy na maging daluyan ng misyon ni Hesus para sa sangkatauhan.
Ayon kay Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, ito ang bahagi ng paalala ni Pope Leo XIV sa kanyang kauna-unahang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng Vatican sa iba’t ibang bansa.
Ibinahagi ni Archbishop Brown sa kanyang naging Pastoral Visit On the Air sa Radyo Veritas ang kanyang naging karanasan sa pakikipagpulong sa Santo Papa kung saan ang bawat isa sa mga dumalong Nuncio ay nakatanggap rin ng isang Episcopal Ring bilang regalo ni Pope Leo XIV.
“We had a meeting with him, an audience with him, just the nuncios and the Holy Father, he spoke to us about the works of the nuncios and encourage us for our missions towards the world, and he gave each of us a beautiful Episcopal Ring.” pahayag ni Archbishop Brown sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Arsobispo na nakaukit sa singsing ang mga salitang “Sub Umbra Petri” o “Under the Shadow of Peter” na nangangahulugang sila ay nasa ilalim ng anino ni Pedro bilang katuwang ng Santo Papa sa kanyang misyon bilang punong pastol ng Simbahang Katolika.
Ipinaliwanag ni Archbishop Brown na magandang simbolo ang nasabing mga kataga para sa gawain at misyon ng mga nunsyo sa iba’t ibang bansa.
“It has the words “Sub Umbra Petri” – Under the Shadow of Peter, means so close to Peter that you are under the shadow cast by the Person, it is a beautiful symbol for the work of the nuncio – that you are casting the protective shadow of the Pope over the entire world and it has a interesting connection between that and the symbol of Basilica – one of the symbols of the Basilicas is the umbrella, it is like the symbol of the protective shadow of the Pope.” Dagdag pa ni Archbishop Brown.
Nilinaw naman ng Arsobispo na ito ang unang pagkakataon na nagregalo ang Santo Papa sa mga Nuncio ng singsing kung saan sa mga nakalipas na pagpupulong ay krus naman ang iniregalo ni Pope Francis sa mga kinatawan ng Vatican habang may mga pagkakataon rin na sadyang nakikipagpulong lamang ang Santo Papa sa kanilang mga kinatawan.
“In past meetings of the Holy Father , one of the meetings, we had Pope Francis gave us a cross, it is kind a traditional to give a gift, but it is the first time we got a ring from the Holy Father, and there are some meetings we don’t receive a gift, just a talk, a speech.” Ayon pa kay Arcbishop Brown.
Naganap ang kauna-unahang pakikipagpulong sa Vatican ni Pope Leo XIV sa mga Apostolic Nuncio mula sa iba’t ibang bansa noong ika-9 hanggang ika-11 ng Hunyo, 2025 kung saan tinatayang 99 na mga Nuncio ang dumalo sa pulong mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Pope Leo XIV, bahagi ng tungkulin ng mga Pontifical Representatives na maging tulay ng Holy See sa mga Simbahan sa iba’t ibang bansa.
Paliwanag ng Santo Papa na mahalaga ang pagkakaroon ng iisang misyon ng bawat lingkod ng Simbahan upang maipalapit ang bawat isa sa Mabuting Balita ng Panginoon lalo na sa mga bansa kung saan minorya lamang ang mga Katoliko.
(Written by Reyn Letran with Veritas intern Michael Encinas)