3,099 total views
Mga Kapanalig, dadagsa ang mga OFW at mga kapamilya natin sa abroad na uuwi ng Pilipinas ngayong Pasko. Pero marami rin ang hindi makakapiling ang kanilang pamilya dito. Kailangan pa rin kasi nilang kumayod para masuportahan ang kanilang mga anak, kapatid, o magulang, nang sa gayon ay busog silang makapagdiwang ng Pasko. Idadaan na lang ng iba sa balikbayan box ang pagpaparating ng pagmamahal nila dito.
Mahigit dalawang milyong OFW ang nasa ibang bayan para magtrabaho. Ayon ‘yan sa datos ng Philippine Statistics Authority (o PSA) hanggang noong 2023. Patunay sila ng pagpapahalaga nating mga Pilipino sa ating pamilya, pero sinasalamin din nila ang kakulangan ng oportunidad sa sarili nating bayan. Hindi rin sumasapat ang sahod ng mga manggagawa dito. Sa average, ang kita ng isang full-time na manggagawa sa Pilipinas ay nasa ₱21,544 lamang. Mas mababa pa tiyak ang suweldo sa mga probinsya, kaya napipilitan din ang marami na makipagsapalaran sa mga siyudad. Kung ‘di papalarin sa siyudad, sa ibayong-dagat ang punta nila.
Hindi lamang mga karaniwang manggagawa ang napipilitang mangibang-bansa. Kahit ang ating mga propesyunal ay naaakit ding magtrabaho sa abroad dahil ‘di hamak na mas mataas ang sasahurin nila doon kumpara dito para sa husay at kakayahang mayroon sila. Kahit nga hindi tugma sa kanilang tinapos dito, papatusin nila ang trabahong iniaalok sa ibang bansa dahil malaki nga ang kikitain nila. Kaya hindi katakataka kung pati ang ating mga guro, doktor, nars, at inhinyero ay doon na naghahanap ng tinatawag na “greener pastures”. Ang epekto nito ay brain drain; nababawasan ang mahuhusay nating mga propesyunal dahil nasa ibang bansa na sila.
Ang masaklap, marami sa mga OFW natin ang nakararanas ng diskriminasyon at pang-aabuso. Nangungulila na nga sila sa kanilang mga mahal sa buhay, napagkakaitan pa sila ng dignidad sa mga bansang pinagtatrabahuhan nila. Sa kagustuhang iangat ang kalagayan sa buhay ng kanilang pamilya, may mga kababayan tayong napipilitang kumapit sa patalim. Sinasamantala naman ito ng mga ganid, gaya ng mga scammers at human traffickers. Noong Nobyembre, halimbawa, mahigit 300 na OFW ang natuklasang iligal na ni-recruit ng mga human traffickers papuntang Myanmar para magtrabaho sa mga online scam hubs doon. Karamihan sa kanila ay pinangakuan ng malaking sahod bilang chat support staff. Iyon pala, sapilitan silang pinatatrabaho sa mga cyber-scam centers na kalunos-lunos ang kondisyon. Kasama sila sa halos 2,000 na OFWs na nailigtas na ng ating Department of Migrant Workers (o DMW) mula pa noong 2022.
Pamilya ang nasa puso ng pagdiriwang nating mga Pilipino ng Pasko, kaya malungkot para sa ating mga OFW ang hindi makauwi para sa itinuturing na pinakamasayang araw sa ating bansa. Hindi sana sila mawawalay sa kanilang pamilya sa loob ng maraming taon kung sapat at nakabubuhay ang mga oportunidad na naririto sa atin. Hindi sana sila mapipilitang umalis kung sinisikap ng gobyernong palaguin ang mga industriyang lilikha ng disenteng trabaho. Hindi sana sila mapapakapit sa patalim kung ang pera ng bayan ay ginagamit nang maayos para paunlarin ang ating bansa sa halip na patabain ang bulsa ng mga kurakot.
Panghawakan sana ng ating mga OFW ang mga salita sa Juan 16:22: “nalulungkot [sila] ngayon [pero darating ang panahon na] mag-uumapaw sa kanilang puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman.” Ito ang dasal natin para sa ating mga OFW. Ito ang dasal natin para sa kanilang mga pamilya.
Mga Kapanalig, nagpapasalamat tayo sa mga kababayan nating nagsisikap sa ibayong-dagat dahil malaki ang ambag nila sa ating ekonomiya. Pero dumating sana ang panahon na wala nang mga pamilyang kailangang maghiwalay dahil binibigô sila ng kanilang bayan.
Sumainyo ang katotohanan.




