5,772 total views
Hinimok ni Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. ang mga mananampalataya na palalimin ang debosyon kay Nuestra Señora de la Salud kasabay ng panawagan para sa pananagutan sa gitna ng lumalalang korapsyon sa bansa.
Sa pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Health noong November 17 sa San Nicolas de Tolentino Parish sa Quezon City, binigyang-diin ng obispo na napapanahon ang muling pag-usbong ng debosyon sa Birhen, lalo’t ang pangalang Salud ay mula sa salitang Latin na salus na tumutukoy hindi lamang sa kalusugan kundi pati sa kaligtasan.
Ayon kay Bishop Ayuban, paalala ito na ang bansa ay nangangailangan hindi lamang ng pisikal na kagalingan kundi ng espirituwal na paghilom.
“We are so broken, so fragmented that we cry out for wholeness, for healing. That’s why we need our Blessed Mother’s intervention more than ever,” pahayag ni Bishop Ayuban sa Radyo Veritas.
Kaugnay ng paghahanda para sa ikaapat na sentenaryo ng pagdating ng Our Lady of La Salud sa Pilipinas, hinikayat ng obispo ang mga mananampalataya na tularan ang pagiging ina ni Maria sa mga naghihirap.
“We are a suffering people who need the maternal and tender intercession and accompaniment of our Blessed Mother,” aniya.
Kasabay nito, nanawagan si Bishop Ayuban sa publiko na manindigan laban sa katiwalian at bantayan ang paggamit ng pondo ng bayan.
“We, as people of God, as sons and daughters of Mary, cannot be silent in front of massive corruption,” giit niya
Ipinaalala ng Obispo na ang pondo para sa kalusugan, edukasyon at kapakanan ng mamamayan ay hindi dapat mapunta sa “pandarambong at pagnanakaw.”
Inanyayahan din ng obispo ang mamamayan na makiisa sa mga pagtitipon, kabilang ang misa sa November 23 para sa ika-100 anibersaryo ng Christ the King na pangungunahan ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David sa National Shrine of Our Lady Queen of Peace o EDSA Shrine, alas 4:30 ng hapon.
Pangungunahan naman ni Bishop Ayuban ang misa sa EDSA People Power Monument sa November 30 para sa “1 Trillion March” sa ganap na alas-10 ng umaga.
Samantala, pinangunahan din ng obispo ang paglulunsad ng siyam na taong paghahanda para sa ikaapat na sentenaryo, kabilang ang opisyal na pagpapakilala ng logo ng pagdiriwang.
Ang Our Lady of La Salud o Nuestra Señora de la Salud ay dinala sa Pilipinas ng mga Recoletos noong 1600s at kinilalang patrona ng kalusugan at kaligtasan. Mabilis lumaganap ang debosyon dahil sa mga ulat ng kagalingan at himala.
Humina ito sa paglipas ng panahon subalit muling binuhay ng mga Recoleto noong 2017 at patuloy na ipinalalaganap ang debosyon bilang Ina ng kagalingan at pag-asa ng mga mananampalataya.




