5,400 total views
Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang
ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 4, 1-12
Salmo 117, 1-2 at 4. 22-24. 25-27a
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
Juan 21, 1-14
Friday within the Octave of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 1-12
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nagsasalita pa sina Pedro at Juan tungkol sa kanilang pinagaling nang dumating ang mga saserdote, ang kapitan ng mga bantay sa templo, at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol sapagkat ipinapahayag nila sa mga tao na si Hesus ay muling nabuhay at ito ang katunayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya’t dinakip nila ang dalawa ngunit ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Hesus, at umabot sa limang libo ang bilang ng mga lalaki. Kinabukasan, nagkatipon sa Jerusalem ang mga pinuno, ang matatanda ng bayan, at ang mga eskriba. Kasama nila si Anas na pinakapunong saserdote, si Caifas, si Juan, si Alejandro at ang buong angkan ng pinakapunong saserdote. Pinaharap nila ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?” Sumagot si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo: “Mga pinuno, at matatanda ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, talastasin ninyo lahat at ng buong Israel na ang taong ito’y nakatindig sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Hesukristong taga-Nazaret. Siya’y inyong ipinako sa krus, ngunit muling binuhay ng Diyos. Ang Hesus na ito ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan.
Kay Hesukristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kayang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2 at 4. 22-24. 25-27a
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
o kaya: Aleluya!
O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Lahat ng may takot
sa Panginoong Diyos, dapat magpahayag,
“Ang pag-ibig niya’y hindi magwawakas.”
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos,
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod!
O kahanga-hanga
ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
Kami ay iligtas,
tubusin mo, Poon, kami ay iligtas,
at pagtagumpayin sa layuni’t hangad.
Ang pumaparito
sa ngalan ng Poon ay pagpapalain;
magmula sa templo,
mga pagpapala’y kanyang tatanggapin!
ang Poon ang Diyos.
Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 21, 1-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, muling napakita si Hesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” “Sasama kami,” wika nila. Umalis sila at lumulan sa bangka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Hesus sa pampang, subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” “Wala po,” tugon nila. “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo,” sabi ni Hesus. Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Hesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya’y nagsuot ng damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay ng munting bangka, hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang – mga siyamnapung metro lamang. Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Hesus. Kaya’t sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda – sandaan at limampu’t tatlong lahat. Hindi napunit ang lambat, kahit gaano karami ang isda. “Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Hesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong sa kanya kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Hesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayundin ang isda.
Ito ang ikatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad pagkatapos na siya’y muling mabuhay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes
Nananatili sa ating piling ang Panginoong Jesu-Kristo upang patnubayan ang gawain ng kanyang Simbahan at upang samahan tayo sa pagharap sa lahat ng mga paghihirap at pagsubok. Tumawag tayo sa kanya nang may ganap na tiwala at sabihin natin:
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoong muling nabuhay,
pagpanibaguhin Mo ang aming pananampalataya.
Ang buong Simbahan nawa’y pagpanibaguhin ng biyaya ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa lahat ng tao sa mundo nawa’y maibigay ang kapayapaang ibinigay ng Panginoong Muling Nabuhay sa kanyang mga apostol, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nangangailangan nawa’y tulungan natin at bigyan sila ng makapapawi ng pagkagutom ng kanilang katawan at kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makatanggap ng ginhawa at pag-asa mula sa mga tumutulong sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naunang lumisan sa mundong ito nawa’y tanggapin sa dalampasigan ng walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, ibinalik mo kami sa iyo sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng iyong Anak. Dinggin mo ang aming mga panalangin at palakasin mo kami sa pagpapatotoo sa aming pananampalataya sa Muling Pagkabuhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.