4,662 total views
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang
ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 11-26
Salmo 8, 2a at 5. 6-7. 8-9
Maningning ang iyong ngalan,
Poon, sa sangkalupaan.
Lucas 24, 35-48
Thursday within the Octave of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 11-26
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, samantalang nakahawak ang pinagaling nina Pedro at Juan sa kanila sa may Portiko ni Solomon, patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. Pagkakita ni Pedro sa mga tao, kanyang sinabi, “Mga Israelita, bakit kayo nanggigilalas sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo’y napalakad namin siya sa pamamagitan ng sarili naming kapangyarihan o kaya’y dahil sa aming kabanalan? Ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang nagbigay ng pinakamataas na karangalan sa kanyang Lingkod na si Hesus. Ngunit siya’y ibinigay ninyo sa maykapangyarihan at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong ipinasiya na nitong palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at isang mamamatay-tao ang hiniling ninyong palayain. Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya’y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa bagay na ito. Ang kapangyarihan ng pangalan ni Hesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Hesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.
“At ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayun din ang inyong mga pinuno. Ngunit sa ginawa ninyo’y natupad ang malaon nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Kristo’y kailangang magbata. Kaya’t magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan at bigyan kayo ng kaunting panahon ng pamamahinga. At susuguin niya si Hesus, ang Mesias na hinirang niya para sa inyo. Siya’y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang panahon ng pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. Sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong inyong Diyos ay pipili ng isa ninyong kalahi at gagawing propetang tulad ko. Pakinggan ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. At lahat ng hindi makikinig sa propetang yaon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ Nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito ang mga propeta, mula kay Samuel at lahat ng sumunod sa kanya. Ang mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasali kayo sa tipang ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lipi.’ Kaya’t hinirang ng Diyos ang kanyang Lingkod. At siya’y unang sinugo sa inyo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masasamang pamuhay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 8, 2a at 5. 6-7. 8-9
Maningning ang iyong ngalan,
Poon, sa sangkalupaan.
o kaya: Aleluya!
Ikaw, O Poon, Panginoon namin,
laganap sa lupa ang iyong luningning.
Ano nga ang tao upang ‘yong alalahanin?
Ay ano nga siya na sukal mong kalingain?
Maningning ang iyong ngalan,
Poon, sa sangkalupaan.
Nilikha mo siya, na halos kapantay
ng iyong luningning at kadakilaan!
Pinamahala mo sa buong daigdig,
sa lahat ng bagay malaki’t maliit.
Maningning ang iyong ngalan,
Poon, sa sangkalupaan.
Mga baka’t tupa, hayop na mabangis
at lahat ng ibong nasa himpapawid,
at maging sa isda, sa ilalim ng tubig.
Maningning ang iyong ngalan,
Poon, sa sangkalupaan.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 24, 35-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang isinasalaysay ng mga alagad ni Hesus ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay, si Hesus ay tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya sa kanila. Ngunit nagulat sila at natakot sapagkat akala nila’y multo ang nasa harapan nila. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito. Hipuin ninyo ako at pagmasdan. Ang multo’y walang laman at buto, ngunit ako’y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” At pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus “May makakain ba riyan?” Siya’y binigyan nila ng kaputol na isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.
Pagkatapos sinabi sa mga alagad, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasama-sama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit.” At binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Huwebes
Inihahayag ng karunungan ng Banal na Kasulatan ang plano ng Diyos para sa atin. Sa ating paglalakbay kasama ni Kristo, idalangin natin na sa bawat araw, higit na maging maliwanag ang kanyang daan ng buhay.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, manatili ka sa aming piling.
Bilang isang Simbahan, nawa’y maging tapat kami sa pagpapahayag sa ebanghelyo ng pagsisisi at pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pagkilala sa kabutihan ni Kristo, ang Panginoong Muling Nabuhay, maihatid nawa natin ang katarungang panlipunan para sa lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Banal na Kasulatan nawa’y makapagbigay ng kaliwanagan sa mga nasa kadiliman ng kasalanan at kawalan ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang makilala ang presensya ng Panginoong Muling Nabuhay sa paghahati-hati ng tinapay sa Eukaristiya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y muling mabuhay sa kaganapan ng kagalakan sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, nag-aalab ang aming mga puso habang nakikinig kami sa iyong bugtong na anak. Tanggapin mo ang mga panalangin ng mga naglalakbay sa kanyang daan ng buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.