3,481 total views
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 1-10
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
Lucas 24, 13-35
Wednesday within the Octave of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 1-10
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Minsan, ikatlo ng hapon, oras ng pananalangin, nagpunta sina Pedro at Juan sa templo. Sa malapit sa tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking ipinanganak na lumpo. Dinadala siya roon araw-araw upang magpalimos. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, siya’y nanghingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabihan ni Pedro, “Tumingin ka sa amin!” Tumingin nga siya sa pag-asang siya’y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, subalit may iba akong ibibigay sa iyo: sa ngalan ni Hesukristong taga-Nazaret, lumakad ka.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinindig. Pagdaka’y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; ito’y napalukso at nagsimulang lumakad. Paluksu-lukso siyang pumasok sa templo, kasama nila, at masayang nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya’y lumalakad at nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila nang makilala nilang siya ang pulubing dati’y nakaupo sa Pintuang Maganda ng templo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
o kaya: Aleluya!
Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.
D’yos ay dapat parangalan
ng banal n’yang sambayanan.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 24, 13-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang araw ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon.” “Anong mga bagay?” tanong niya. At sumagot sila, “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayun nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.”
Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.
Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila. “Tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala. At nawika nila, “Kaya pala gayun ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”
Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules
Sa pag-alaala natin kung papaano nakilala ng mga alagad si Jesus sa paghahati-hati ng tinapay sa daan patungong Emmaus, manalangin tayo sa Diyos Ama upang magkaroon tayo ng higit na malalim na pagpapahalaga sa Muling Nabuhay na Kristo bilang ating pagkaing espiritwal para sa ating paglalakbay sa buhay.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, bigyan Mo kami ng aming kakanin sa araw-araw.
Ang Santo Papa at mga obispo nawa’y mabisang ipahayag ang mensahe ng pag-asa sa pamamagitan ng kanilang buhay na banal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y makapaghatid ng pag-asa at ginhawa sa ating bayan sa pamamagitan ng kanilang lubos na paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang maunawaan kung bakit kailangang magpakasakit ni Kristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y pagalingan at palakasin sa kanilang pagtanggap sa Eukaristiya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng kaganapan ng buhay sa piling ni Kristong Muling Nabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pagkalooban mo kami ng malalim na pananampalatayang nararapat upang makilala namin ang iyong Anak sa lahat ng mga pagkakataon sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.