2,151 total views
Huwebes ng Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Isaias 54, 1-10
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11 at 12a at 13b
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
Lucas 7, 24-30
Thursday of the Third Week in Advent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 54, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
“Ikaw ay umawit, O babaing baog, tinig mo’y Itaas,
O ikaw na hindi nakararanas ng hirap sa panganganak.
Ang magiging supling mo’y higit na marami kaysa may asawa.”
Gumawa ka ng mas malaking tolda,
habaan mo ang mga tali at dagdagan ang tulos.
Ikaw ay kakalat sa buong daigdig,
mababalik sa iyo, Israel, ang lupaing nasakop ng ibang bansa;
ang mga lungsod na ngayon ay wasak,
ay gagawing tirahan ng maraming tao.
“Huwag kang matakot
pagkat hindi ka na hahalayin uli
ni aaglahiin pa,
malilimot mo nang ika’y
naging taksil na asawa,
pati malungkot na alalahanin ng pagiging balo.
Sapagkat ang iyong naging kasintaha’y
ang may likha sa iyo,
Siya ang Makapangyarihang Panginoon;
ililigtas ka ng Diyos ng Israel,
Siya ang hari ng lahat ng bansa.
Israel, ang katulad mo ay babaing bagong kasal,
iniwan ng asawa, batbat ng kalungkutan.
Ngunit tinawag kang muli ng Panginoon
sa kanyang piling at sinabi:
“Sandaling panahong kita’y iniwanan
ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig,
muli kitang kukupkupin.
Sa tindi ng galit nilisan kita sandali,
ngunit habang panahon kong ipadarama sa iyo ang tapat kong pagmamahal.”
Iyan ang sabi ng Panginoon na nagligtas sa iyo.
“Nang panahon ni Noe,
Ako ay sumumpang di na mauulit
na ang mundong ito’y gunawin sa tubig.
Gayun din sa ngayon,
iiwasan ko nang sa iyo’y magalit
at hindi na kita parurusahan uli.
Maguguho ang mga bundok at ang mga burol,
ngunit ang pag-ibig ko’y hindi maglalaho,
at mananatili ang kapayapaang aking pangako.”
Iyan ang sinabi ng Diyos na Panginoon,
na nagmamahal sa iyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11 at 12a at 13b
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
O Panginoon ko,
sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang
daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
Purihin ang Poon,
Siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal
yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
Kaya’t ako’y dinggin,
Ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.
Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.
ALELUYA
Lucas 3, 4. 6
Aleluya! Aleluya!
Daan ng Poong nar’yan na
t’wiri’t ihanda sa kanya.
Pagtubos n’ya’y makikita.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 24-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Pagkaalis ng mga sinugo ni Juan, si Hesus ay nagsalita sa mga tao tungkol kay Juan. “Bakit kayo lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang tambong inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuutan? Ang mga nagsusuot ng maringal at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, higit pa sa isang propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan:
‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo,
Ihahanda niya ang iyong daraanan.’
Sinasabi ko sa inyo: si Juan ang pinakadakila sa mga isinilang, ngunit dakila kaysa kanya ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos.”
Pinakinggan siya ng mga mamamayan, pati ng mga publikano. Ang mga ito’y sumunod sa kalooban ng Diyos nang pabinyag sila kay Juan. Subalit tinanggihan ng mga Pariseo at ng mga eskriba ang layunin ng Diyos sa kanila sapagkat hindi sila nagpabinyag kay Juan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Adbiyento
Huwebes
Ipinahayag ng mga propeta ang pagdating ng ating Manunubos. Sa pamamagitan ng pangangaral ng pagsisisi sa kasalanan, ibinalita ni Juan Bautista ang kanyang pagdating. Sa diwa ng pagsisisi, hilingin natin ang tulong ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga panalangin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ituro mo sa amin ang iyong daan.
Ang Santa Iglesya nawa’y maihayag ang kaluwalhatian ng Panginoon at maipakita sa lahat ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinunong Kristiyano nawa’y maging kasangkapan ng katotohanan at katarungan para akayin ang kanilang bayan sa landas ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga puso nawa’y maging bukas sa pagtanggap sa mensahe ng mga propeta na nagsasalitang parang mga tinig sa ilang, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang pagtitiyaga ng Diyos nawa’y maranasan ng iba sa pamamagitan ng ating mabuting pakikitungo sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong inaalala natin ang kamatayan nawa’y magtamo ng kapatawaran at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Lubos na mapagmahal na Ama, tunghayan mo ang mga pangangailangan ng iyong bayan at ipagkaloob mo nawa ang aming mga kahilingan habang naghahanda kami para sa iyong Anak na nabubuhay at naghaharing kasama mo magpasawalang hanggan. Amen.