7,450 total views
Huwebes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Clemente I, papa at martir
o kaya Paggunita kay San Columbano, abad
1 Macabeo 2, 15-29
Salmo 49. 1-2. 5-6. 14-15
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Lucas 19, 41-44
Thursday of the Thirty-third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Clement I, Pope and Martyr (Red)
or Optional Memorial of St. Columban, Abbot (White)
UNANG PAGBASA
1 Macabeo 2, 15-29
Pagbasa mula sa unang aklat ng Macabeo
Noong mga araw na iyon, ang mga kanang kamay ng hari na inatasang pilitin ang mga taong sumamba sa mga diyus-diyusan at nagtungo sa lungsod ng Modin upang utusan ang mga tagaroon na maghandog sa mga dambanang pagano. Maraming Israelita ang lumapit at nagtipun-tipon sa paligid nila. Naroon din si Matatias at ang lima niyang anak. Nilapitan si Matatias ng mga kinatawan ng hari at sinabi, “Ikaw ay pinunong iginagalang dito at sinusunod ng iyong mga kaanak. Manguna ka sa pagtupad sa utos ng hari, gaya nang ginawa ng mga Hentil at ibang mga taga-Judea at Jerusalem. Gawin mo lamang ito ay tiyak na mapapamahal ka sa hari, pati ng iyong mga anak, at gagantimpalaan ka niya ng pilak, ginto at iba pang kaloob.”
Ngunit malakas na sumagot si Matatias, “Kahit lahat ng Hentil ay sumunod sa hari at dahil dito’y nilabag nila ang relihiyong ipinamana ng kanilang mga ninuno, kami ng aking sambahayan at mga kamag-anakan ay tutupad pa rin sa tipang ibinigay sa aming mga ninuno. Huwag namang ipahintulot ng Diyos na sumuway kami sa kanyang mga utos. Hindi kami susunod sa gayong ipinagagawa ng hari at lalo namang hindi kami magtataksil sa aming relihiyon kailanman!”
Katatapos pa lamang na magsalita si Matatias nang isang kapwa Judio ang kitang-kitang lumapit sa dambanang nasa Modin at naghandog, bilang pagsunod sa utos ng hari. Nang makita ito ni Matatias, nag-alab siya sa poot; nilapitan niya ito at pinatay sa harap ng dambana. Pinatay rin niya ang sugo ng haring pumipilit sa mga tao na maghandog sa dambanang pagano. Pagkatapos, sinira niya ang dambana. Sa ganitong paraan ipinakita niya ang kanyang pagmamalasakit sa Kautusan, gaya ng ginawa ni Finees nang patayin nito si Zimri na anak ni Salu.
Matapos gawin ito, nilibot ni Matatias ang buong lungsod na ganito ang isinisigaw, “Sinumang tapat sa tipan ng Diyos at tumutupad sa kanyang mga utos ay sumunod sa akin!” Pagkatapos nito, siya at ang kanyang mga anak ay namundok. Iniwanan nila ang lahat ng kanilang ari-arian sa lungsod.
Ang marami, na naniniwalang dapat sundin ang utos ng Diyos at mga tuntunin ng kanilang relihiyon, ay lumabas din at sa ilang na nanirahan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49. 1-2. 5-6. 14-15
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Ang dakilang Panginoon, ang Diyos na nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran,
magmula sa dakong Sion, ang lungsod ng kagandahan,
makikita siya roong nagniningning kung pagmasdan.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa tipan ko’t naghahandog niyong hain.
Ang buong kalangita’y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Ang inihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo’y aking ililigtas, ako’y inyong pupurihin.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 19, 41-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nang malapit na si Hesus sa Jerusalem at matanaw niya ang lungsod, ito’y kanyang tinangisan. Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makapagdudulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit lingid ito ngayon sa iyong paningin. Sapagkat darating ang mga araw na paliligiran ka ng kuta ng iyong mga kaaway, kukubkubin at gigipitin sa magkabi-kabila. Wawasakin ka nila, at lilipulin ang mga anak mo sa loob ng iyong muog. At ni isang bato’y wala silang iiwan sa ibabaw ng kapwa bato, sapagkat hindi mo pinansin ang pagdating ng Diyos upang iligtas ka.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Ipanalangin natin ang ating mga pangangailangan bilang bahagi ng ating paglalakbay ng pananampalataya, bilang pagsunod kay Kristo patungo sa walang hanggang Jerusalem, ang ipinangakong mamanahin natin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, madama nawa namin ang Iyong presensya.
Ang Simbahan nawa’y maging buhay na sagisag at instrumento ng pagkakaisa at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang komunidad ng mga sumasampalataya, nawa’y hindi tayo magkahati-hati dahil lamang sa mga walang kwentang galit at hindi pinag-isipang paghusga, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang maiwasan ang gumawa ng mga dahilang umiwas sa ating pagtugon sa mga hamon ng pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kasawian sa buhay o pagkakasakit nawa’y hindi makasagabal sa ating pagnanais na sundan si Kristo maging sa pagpapakasakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga tapat na yumao sana’y maibigay ang walang hanggang kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, huwag nawa kaming umatras o mag-atubiling lumakad nang pasulong sa paglalakbay tungo sa iyong Kaharian. Palakasin nawa ng mga panalanging ito ang aming pananampalataya. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.