4,213 total views
Lunes sa Unang Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Levitico 19, 1-2. 11-18
Salmo 18. 8. 9. 10. 15
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Mateo 25, 31-46
Monday of the First Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Levitico 19, 1-2. 11-18
Pagbasa mula sa aklat ng Levitico
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng Israel, “Magpakabanal kayo, sapagkat akong Panginoon ay banal.
“Huwag kayong magnanakaw, manlilinlang o magsisinungaling. Huwag din kayong manunumpa sa aking pangalan nang walang katotohanan pagkat iyon ay paglapastangan sa ngalan ko. Ako ang Panginoon.
“Huwag ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad sa inyong pinapagtrabaho. Huwag ninyong aapihin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako ang Panginoon.
“Huwag kayong hahatol nang walang katarungan upang pagbigyan ang mahirap o suyuin ang mayayaman. Huwag ninyong ipamamalita ang kasiraang-puri ng inyong kapwa ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako ang Panginoon.
“Huwag kang magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, pangangaralan mo siya. Sa gayun, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kasamahan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Ako ang Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 15
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ng kaisipan.
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
Nawa’y itong salita ko at ang aking kaisipan,
sa iyo ay makalugod, Panginoon ko’t kanlungan,
O ikaw na kublihan kong ang dulot ay kaligtasan!
Espiritung bumubuhay
ang salita ng Maykapal.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
2 Corinto 6, 2b
Ngayo’y panahong marapat,
panahon ng pagliligtas,
Araw ngayon ng pagtawag
upang makamit ang habag
ng Panginoong matapat.
MABUTING BALITA
Mateo 25, 31-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.’ Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.’
“At sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, mga sinumpa! Kayo’y pasaapoy na di mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, nawalan ng maisuot, may sakit o nasa bilangguan, at hindi namin kayo pinaglingkuran?’ At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Kuwaresma
Lunes
Inihahayag ng Panginoon ang misteryo ng Kaharian ng Diyos sa mga taong buong pagmamahal na kumakalinga sa mga dukha at nagugutom. Idalangin natin na ang Kaharian ng Diyos ay maging tunay sa ating buhay.
Panginoon, dinggin Mo kami.
o kaya
Panginoon, loobin Mong mahalin at paglingkuran ka namin sa aming kapwa.
Ang Simbahan nawa’y maging isang tahanan para sa mga naliligaw ng landas, ulila, mahihina, at bigo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mayayamang bansa nawa’y taimtim na magsagawa ng mga hakbang upang makatulong sa pag-unlad ng mahihirap na bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga napariwara at mga itinakwil ng lipunan nawa’y maakit sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagkakawanggawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating mga tahanan, lugar ng hanapbuhay, at sa pamayanang ating kinabibilangan nawa’y maipalaganap natin ang paghahari ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makapasok sa Kahariang inihanda para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, nababatid namin ang iyong walang hanggang pag-ibig para sa lahat ng tao, kaya may pagtitiwalang inilalapit namin sa iyo ang aming mga kahilingan sa ngalan ni Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.