244 total views
Paggunita kay San Juan Crisostomo,
obispo at pantas ng Simbahan
1 Corinto 12, 12-14. 27-31a
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.
Lucas 7, 11-17
Memorial of St. John Chrysostom
Bishop and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 12, 12-14. 27-31a
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng isang bahagi lamang.
Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Kristo at bawat isa’y bahagi nito. Naglagay ang Diyos sa Simbahan, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gagawa ng mga kababalaghan, mga magpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga magsasalita sa iba’t ibang wika. Hindi lahat ay apostol, propeta, o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba’t ibang wika o magpaliwanag nito. Kaya’t buong taimtim ninyong nasain ang mga kaloob na lalong dakila.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.
Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.
Pumasok ka sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!
Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.
Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.
Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta,
sugo ng D’yos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 11-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumunta si Hesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong niya ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaing balo. Marami ang nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang makita ang ina ng namatay, at sinabi sa kanya, “Huwag kang tumangis.” Lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga may dala nito. Sinabi niya, “Binata, bumangon ka!” Naupo ito at nagsalita; at siya’y ibinigay ni Hesus sa kanyang ina. Sinidlan ng takot ang lahat at sila’y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Nilingap ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Gumawa ng mga himala si Jesus upang ipakita ang kanyang banal na habag at kapangyarihan. Puno ng pagkamangha sa ganitong mga kahanga-hangang bagay, manalangin tayo sa Ama na nagsugo sa ating tagapagligtas.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng buhay, mahabag kayo sa amin.
Sa pamamagitan ng paggabay at tulong ng mga apostol ng Simbahan nawa’y maipakita ang pag-ibig at kalinga ng Diyos sa sambayanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang gobyerno nawa’y maging daan ng mahabaging pag-ibig ng Diyos sa katangi-tanging pagkalinga at pagtulong na kanilang ibinabahagi sa mga dukha at mga maysakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nagdusa sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay nawa’y muling sumampalataya sa buhay sa tulong ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, katulad ng anak ng balo, nawa’y makadama ng mapagpagaling na kamay ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y muling ibangon sa kaganapan ng buhay sa presensya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, gabayan mo kami upang aming mahipo ang mga may pusong wasak at matulungan silang madama ang iyong Anak na dumito sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.