2,979 total views
Miyerkules ng Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Tobit 3, 1-11a. 16-17a
Salmo 24, 2-4a. 4b-5ab. 6-7bk. 8-9
Sa ‘yo ako’y tumatawag,
Poong D’yos na nagliligtas.
Marcos 12, 18-27
Wednesday of the Ninth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Tobit 3, 1-11a. 16-17a
Pagbasa mula sa aklat ni Tobit
Noong mga araw na iyon, sa sama ng loob, ako’y napaiyak nang malakas. Tumatangis akong nanalangin nang ganito:
Ika’y mahabagin at makatarungan,
tapat ka, O Panginoon, sa lahat ng bagay.
Kaya naman ako’y iyong kahabagan,
linisin ako at iyong tulungan,
sa kasalanan ko’y huwag mong parusahan,
sa di sinasadyang mga kamalian
at pagkakasala ng aking magulang.
Sa pagkakasala nila at paglabag,
itong aming lahi’y natapo’t naghirap,
maraming namatay nang sila’y mabihag.
Kahit saang bansang aming kasadlakan,
tinutuya kami’t pinag-uusapan,
labis na nalagay sa kahihiyan.
Ang mga parusang iyong iginawad,
tapat at totoo, sa ami’y tumpak,
sa mga magulang nami’y nararapat.
Pati na sa amin ang parusa’y tumpak
pagkat ang utos mo’y di namin tinupad.
Gawin mo sa akin, iyong maibigan,
pabayaan mo nang makitil ang buhay,
bayaan na akong mabalik sa lupa,
masarap pa sa aking ako’y mamayapa.
Di ko matitiis na ako’y uyamin,
lubhang mabigat na ang aking pasanin.
Panginoon, bayaan nang hirap ko’y magwakas
at mamahinga ako sa lahat ng hirap.
Mabuti pa ngayon ang ako’y mamatay,
kaysa magtiis pa ng hirap sa buhay
na ang naririnig ay mga pang-uyam!”
Nang panahong iyong, sa Ecbatana, Media, ay may isang dalagang ang pangala’y Sara. Pitong ulit na siyang nagpakasal, ngunit bago siya masipingan, bawat napangasawa niya ay pinapatay ng demonyong Asmodeo. Isang araw, ininsulto siya ng isang babaing utusan ng kanyang ama. Wika nito: “Pihong ikaw ang pumatay sa iyong mga naging asawa. Tingnan mo, pito ang naging asawa mo, ngunit wala ni isang nakapagdulot sa iyo ng kasiyahan. Iyan ba ang dahilan kaya mo kami pinagmamalupitan? Mamamatay ng asawa! Mabuti pa’y magpakamatay ka na rin! Hindi namin gustong ikaw ay magkaanak pa!”
Lubhang nalungkot si Sara nang araw na iyon. Umiiyak siyang umakyat sa silid ng kanyang ama. Nais na niyang magbigti, ngunit nagbago ang kanyang isip. “Hindi!” nasabi niya sa sarili. “Hahamakin ng mga tao ang tatay ko kapag ito’y ginawa ko. Tiyak na sasabihin nila sa kanya: ‘Iisa-isa ang anak mong babae’y nagpakamatay pa dahil sa malas!’ Para kong itinulak ang aking ama sa hukay sa sama ng loob. Mabuti pang hilingin ko sa Panginoon na nasiya na ang kumitil sa aking buhay para hindi na ako tuyain ng mga tao.”
Kaya’t noon di’y humarap si Sara sa bintana, itinaas ang mga kamay, at nanalangin.
Ang dalangin ni Tobit at ni Sara ay narinig ng Panginoon. Noon di’y tinugon niya ang kanilang pagluhog. Sinugo niya si anghel Rafael upang sila’y tulungan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 2-4a. 4b-5ab. 6-7bk. 8-9
Sa ‘yo ako’y tumatawag,
Poong D’yos na nagliligtas.
Sa iyo, O Poon, ako’y tumatawag;
ako’y may tiwalang iyong ililigtas.
Tubusin mo ako sa kahihiyan,
upang di magtawa ang aking kaaway.
Ang nagtitiwala sa iyo’y di bigo,
ang naghihimagsik ang nasisiphayo.
Sa ‘yo ako’y tumatawag,
Poong D’yos na nagliligtas.
Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
tagapagligtas ko na inaasahan.
Sa ‘yo ako’y tumatawag,
Poong D’yos na nagliligtas.
Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!
Sa ‘yo ako’y tumatawag,
Poong D’yos na nagliligtas.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Sa ‘yo ako’y tumatawag,
Poong D’yos na nagliligtas.
ALELUYA
Juan 11, 25a. 26
Aleluya! Aleluya!
Pagkabuhay ako’t buhay;
ako’y inyong panaligan
nang di mamatay kailanman.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 12, 18-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may ilang Saduseo na lumapit kay Hesus. Ang Saduseo ay naninindigan na hindi muling bubuhayin ang mga patay. “Guro,” anila “naglagda po si Moises ng ganitong batas para sa amin: ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki’y dapat pakasal sa balo upang magkaanak sila para sa namatay.’ May pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Napakasal sa balo ang pangalawa, at namatay na wala ring anak. Gayun din ang nangyari sa pangatlo at sa mga sumusunod pa: isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid, at sila’y namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y namatay rin ang babae. Ngayon, sino po sa pito ang kikilalanin niyang asawa sa muling pagkabuhay, yamang napangasawa niya silang lahat?” Sumagot si Hesus, “Maling-mali kayo. Alam ninyo kung bakit? Hindi ninyo nababatid ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. Sapagkat sa muling pagkabuhay, ang mga tao’y hindi na mag-aasawa; sila’y magiging tulad ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay – hindi pa ba ninyo nababasa sa aklat ni Moises ang tungkol sa nagliliyab na mababang punongkahoy? Ganito ang nasusulat na sinabi ng Diyos kay Moises. ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.’ Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Napakamaluwalhati ng kapayapaan at pag-asa ng Muling Pagkabuhay! Malaya ang ating mga puso mula sa di-makatwirang pag-aalinlangan at pagdududa sapagkat naniniwala tayo sa pangako ng Iisang nabuhay na mag-uli sa walang hanggang kaluwalhatian, manalangin tayo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng mga Buhay, pakinggan mo kami
Ang Simbahan nawa’y patuloy na magpahayag ng Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay at ng buhay na darating, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating pang-araw-araw na buhay, tayo nawa’y makapaghatid ng liwanag ng pag-asa sa mga nabubuhay sa kadiliman at kawalang ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyano saanman nawa’y hindi maging mga taong legalismo at mga panlabas na tumutupad sa batas, kundi maging mga taong mayroong pusong ginagawa ang mga nararapat nilang gawin bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y matagpuan ang mapagpagaling na presensya ni Kristo sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating pananalangin para sa yumao, at para sa mga nagluluksa para sa kanilang paglisan, nawa’y magdulot sa kanila ng pag-asa at kasiyahan sa kanilang paghihinagpis ang Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob, Diyos ng mga buhay at bukal ng buhay at ang lahat ng pag-iral, pakinggan mo ang aming mga panalangin na itinataas namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.