2,778 total views
Miyerkules sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Daniel 3, 14-20. 91-92. 95
Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Juan 8, 31-42
Wednesday of the Fifth Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Daniel 3, 14-20. 91-92. 95
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Haring Nabucodnosor: “Sadrac, Mesac, at Abednego, totoo bang hindi kayo sumasamba sa rebultong ipinagawa ko?” tanong ng hari. “Iniuutos ko sa inyong sumamba kayo sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Tingnan ko lang kung may diyos na makapagliligtas sa inyo.”
Sinabi nina Sadrac, Mesac at Abednego, “Mahal na hari, wala po kaming itututol sa inyo tungkol sa bagay na ito. Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa pugong iyon at sa inyong kapangyarihan. At kung hindi man niya gawin ito, hindi pa rin kami sasamba sa rebultong ipinagawa ninyo.”
Namula si Haring Nabucodnosor sa tindi ng galit kina Sadrac, Mesac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painiting makapitong ibayo ang pugon. Iniutos din niya sa pinakamalalakas niyang tauhan na gapusin sina Sadrac, Mesac at Abednego at ihagis sa apoy.
Walang anu-ano’y napalundag si Haring Nabucodnosor. Pamanghang itinanong niya sa kanyang mga tagapayo, “Hindi ba’t tatlo lamang ang inihagis sa apoy?”
“Opo, kamahalan,” sagot nila.
“Bakit apat ang nakikita kong lalakad-lakad sa apoy at hindi nasusunog? At yaong isa, ang tingin ko’y diyos!”
Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Diyos nina Sadrac, Mesac at Abednego! Nagsugo siya ng anghel upang iligtas ang mga lingkod niyang ito na ganap na nanalig sa kanya. Hindi sinunod ng mga ito ang aking utos; ginusto pa nilang sila’y ihagis sa apoy kaysa sumamba sa diyus-diyosan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Pinupuri ka namin, Panginoon;
Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat kang ipagdangal at dakilain magpakailanman.
Purihin ang iyong banal at maluwalhating pangalan,
nararapat purihin at ipagdangal magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka, na nakaluklok sa maringal mong trono,
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita mo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 8, 15
Mapalad ang nag-iingat
sa kanyang pusong matapat
ng Salitang nagbubuhat
sa Poong D’yos ng liwanag,
sa t’yaga’y aaning ganap.
MABUTING BALITA
Juan 8, 31-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking aral, tunay ngang kayo’y mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” “Lahi kami ni Abraham,” tugon nila, “at kailanma’y di kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?” Sumagot si Hesus, “Tandaan ninyo: alipin ng kasalanan ang lahat ng nagkakasala. Ang alipin ay hindi kabilang sa sambahayan sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. Kapag kayo’y pinalaya ng Anak, tunay nga kayong malaya. Nalalaman kong lahi kayo ni Abraham; gayunma’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat walang pitak sa inyong puso ang aral ko. Sinasabi ko ang aking nakita sa aking Ama; ginagawa naman ninyo ang inyong narinig sa inyong ama.”
Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.” “Kung kayo’y mga anak ni Abraham, tutularan ninyo ang kanyang ginawa,” ani Hesus. “Ngunit pinagsisikapan ninyo akong patayin, gayong sinasabi ko lamang ang katotohanang narinig ko sa Diyos. Hindi ganyan ang ginawa ni Abraham. Ang ginagawa ninyo’y tulad ng ginawa ng inyong ama.” “Hindi kami mga anak sa labas,” tugon nila. “Ang Diyos ang aming Ama.” Sinabi ni Hesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, iibigin ninyo ako, sapagkat nagmula ako sa Diyos. Hindi ako naparito sa ganang sarili ko lamang, kundi sinugo niya ako.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Miyerkules
Ang Diyos ang walang hangganang pinagmumulan ng katotohanan, kalayaan, at lakas. May hangganan ang ating isip, espiritu, at katawan. Hilingin natin sa Diyos na loobin niyang matamo natin at ng lahat ng tao ang kaganapang ninanais niya para sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin Mo kaming ganap.
Ang lahat ng naghahanap sa katotohanan nawa’y maging bukas at malaya ang isip sa mensahe ni Jesus at ng kanyang Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga taimtim na gawain ngayong Kuwaresma nawa’y makatulong upang palayain tayo sa pagkaalipin ng labis na pagpapahalaga sa sarili, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating pagkaabala sa materyalismo na umiiral sa ating panahaon nawa’y hindi makahadlang sa ating paghahanap sa buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga dukha, mga bilanggo, mga walang kaalaman, at lahat ng nagdurusa nawa’y makatagpo ng paglaya mula sa mga pasanin nila sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nang tapat sa kanya nawa’y kalagan ng Panginoon at bayaan silang maging malaya sa Kaharian ng kanyang kaluwalhatian, manalangin tayo sa Panginoon.
Butihing Ama, namatay ang iyong Anak upang makilala ng mga tao ang katotohanan at mamuhay nang naaayon dito. Palayain mo kami sa aming makikitid na pag-iisip at pagkamakasarili upang ang aming mga isip at puso ay lumagong patungo sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.