8,378 total views
Sabado ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Santa Angela Merici
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria Tuwing Sabado
2 Samuel 12, 1-7a. 10-17
Salmo 50, 12-13. 14-15. 16-17
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Marcos 4, 35-41
Saturday of the Third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Angela Merici (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 12, 1-7a. 10-17
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, sinugo ng Panginoon kay David si Propeta Natan. Pagdating doon ay sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may dalawang lalaki, mayaman ang isa at ang isa’y dukha. Maraming kawan at bakahan ang mayaman, samantalang ang dukha ay may isa lamang munting babaing tupa. Inalagaan niya ito at pinalaking kasama ng kanyang mga anak. Pinapangko niya itong parang anak na babae, isinasalo sa pagkain at pinaiinom. Minsan, may manlalakbay na naging panauhin ang mayamang nabanggit. Sa halip na sa kanyang kawan kumuha ng hayop na papatayin, ang kaisa-isang tupa ng dukhang iyon ang kanyang kinuha. At iyon ang inihanda niya para sa kanyang panauhin.”
Napasigaw sa galit si David, “Naririnig tayo ng Panginoon! Ang taong iyo’y dapat na mamatay! Kailangang magbayad siya nang apat na ibayo sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.”
Sinabi agad ni Natan kay David, “Kayo ang lalaking iyon! Ito ang sinabi sa inyo ng Panginoon: ‘Yamang ako’y itinakwil mo at kinuha mo ang asawa ni Urias, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ Sinabi pa rin ng Panginoon, ‘Pagkakagalitin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo’y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit araw. Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang parurusahan at makikita ng buong Israel.’”
Sinabi ni David kay Natan, “Tunay akong nagkasala sa Panginoon.”
Sumagot si Natan, “Kung gayo’y pinatatawad ka na niya at hindi ka mamamatay. Gayunman, yamang nilapastangan mo ang Panginoon, ang magiging anak mo ang mamamatay.” At umuwi na si Natan.
Tulad ng sinabi ng Panginoon, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. Dumalangin si David para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng sako at nag-ayuno, at sa lupa na nahiga nang gabing iyon. Lumapit sa kanya ang matatanda sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 12-13. 14-15. 16-17
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Ingatan mo ako, Diyos kong Manunubos,
ang pagliligtas mo’y galak kong ibabantog.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
ALELUYA
Juan 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan kaya’t
Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 35-41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Sinusunod maging ng hangin at alon ang Anak ng Diyos. Mulat sa katotohanang ito, manalangin tayo nang may pagtitiwala para sa kapayapaan sa napakagulong daigdig.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, paghupain Mo ang mga unos sa aming buhay.
Ang ating Simbahan nawa’y gabayan ng Panginoon lalo na sa malalaking alon ng pagsubok na nagbabantang sumakop dito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng mga nagkakagulong bansa nawa’y walang hinawang maglingkod para sa kapayapaan at katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mandaragat, namamalakaya, at lahat nang may kabuhayan sa karagatan nawa’y mapanatili sila sa kaligtasan sa pamamagitan ni Maria, ang tala ng karagatan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may kapansanan at yaong mga may pabalik-balik na karamdaman nawa’y makatagpo ng kapayapaan sa mapagpagaling na kapangyarihan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y maranasan nila ang walang hanggang kapayapaan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, gawin nawa kaming dalisay ng mga pagsubok at kaguluhan na dulot ng unos sa aming buhay at magdulot nawa ito ng kapayapaan sa aming kaluluwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.