2,832 total views
Sabado kasunod ng Miyerkules ng Abo
Isaias 58, 9b-14
Salmo 85, 1-2. 3-4. 5-6
Ituro mo ang ‘yong loob
nang matapat kong masunod.
Lucas 5, 27-32
Saturday after Ash Wednesday (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 58, 9b-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinasabi ng Panginoon:
“Kung titigilan ninyo
ang pang-aalipin at pagsuway sa akin,
at ang masamang salita’y iiwasan,
kung ang nagugutom
ay pakakainin ninyo at tutulungan,
ang kadilimang bumabalot sa inyo
ay magiging tila liwanag sa katanghalian.
At akong Panginoon
ang siyang sa inyo’y laging papatnubay,
lahat ng mabuting kailangan ninyo’y
aking ibibigay, at palalakasin ang inyong katawan.
Kayo’y matutulad sa pananim na sagana sa dilig,
matutulad sa batis
na di nawawalan ng agos ng tubig.
Muling itatayo ng mga lingkod ko ang kutang nadurog,
muling itatayo sa dating pundasyon,
makikilala kayo bilang tagapagtayo ng sirang muog,
mga tagapagtayo ng wasak na mga bahay.”
Sinabi pa ng Panginoon, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga,
huwag kayong gagawa ng inyong gawain sa araw na banal,
sa araw na ito’y mamamahinga kayo’t huwag maglalakbay
ni gagawa o maghuhunta nang walang kabuluhan.
At kung magkagayon,
ay madarama ninyo ang kagalakan sa paglilingkod sa akin.
Bibigyan ko kayo ng karangalan
sa harap ng buong daigdig
at lalasapin ninyo ang kaligayahan
sa paninirahan sa lupaing
ibinigay ko sa nuno ninyong si Jacob.
Mangyayari ito pagkat akong
Panginoon ang nagsabi nito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 85, 1-2. 3-4. 5-6
Ituro mo ang ‘yong loob
nang matapat kong masunod.
Sa aking dalangin, ako’y iyong dinggin,
tugunin mo, Poon, ang aking pagdaing;
ako’y mahina na’t wala nang tumingin
yamang ako’y tapat, ingatan ang buhay,
lingkod mo’y iligtas sa kapahamakan
pagkat may tiwala sa ‘yo kailanman.
Ituro mo ang ‘yong loob
nang matapat kong masunod.
Ikaw ang aking Diyos, ako’y kahabagan,
sa buong maghapo’y siyang tinatawagan.
Poon, ang lingkod mo’y dulutan ng galak,
sapagkat sa iyo ako tumatawag.
Ituro mo ang ‘yong loob
nang matapat kong masunod.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
pakinggan mo, Poon, ang aking dalangin,
tulungan mo ako, ako’y iyong dinggin.
Ituro mo ang ‘yong loob
nang matapat kong masunod.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 33, 11
Sinabi ng Poong mahal:
“Di ko nais na mamatay
ang mga makasalanang
nagbabagong-kalooban
upang sila ay mabuhay.”
MABUTING BALITA
Lucas 5, 27-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nakita ni Hesus ang isang publikano na nagngangalang Levi, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin,” Tumindig si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Hesus.
Si Hesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay. Nakasalo niya roon ang mga publikano at ang iba pang mga tao. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang kanilang mga kasamang eskriba. Sinabi nila sa mga alagad ni Hesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga publikano at ng mga makasalanan?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang may sakit. Naparito ako, hindi upang tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan upang magsisi.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Sabado Pagkaraan ng Miyerkules ng Abo
Dumating si Kristo upang iligtas ang mga makasalanan. Buong kababaang-loob sa pagtugon sa kanyang tawag, ilapit natin sa Ama ang ating mga panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Tagapagpagaling, gawin Mo kaming buo.
Ang Simbahan nawa’y maituring bilang isang tahanan ng nagpapagaling para sa mga mahihina at makasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa tulong ng Mahal na Birheng Maria nawa’y mamayani ang kapayapaan sa bawat bansa sa buong mundo sa pamamagitan ng habag na ipinakikita nila sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating bansa nawa’y maghari ang pagkakaisa, bunga ng paggalang ng mga mamamayan sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa lugar ng ating hanapbuhay at maging sa ating mga pamilya nawa’y hindi tayo manguna sa pamimintas sa ating mga kasama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa na ay makaranas nawa ng mapanligtas na kapangyarihan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, sa panahong ito ng Kuwaresma, bagamat hangad naming maging matuwid, nawa ay iadya mo kami sa pagiging labis na mapagmatuwid. Sa pagnanais naming makamit mula sa Tagapagligtas ang kanyang walang-hanggang awa, maibahagi nawa namin ang kanyang pagpapala sa pamamagitan ng aming pagpapatawad sa aming kapwa, lalo’t higit sa amin ay nagkasala. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.