286 total views
Nasasaad sa panlipunang katuruan ng simbahan na bagamat pabor ang Simbahan na kumita ang isang mamumuhunan ay kinakailangan na ang negosyo ay hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan o sa buhay ng tao.
Dahil dito, pinaalalahanan ng grupong Ecowaste Coalition ang mamamayan na suriing mabuti ang mga kandila at pintura na gagamitin ngayong papalapit na ang undas.
Ayon kay Daniel Alejandre, Zero waste campaigner ng grupo karaniwang hinahaluan ng lead ang mga kandila at pintura upang maging matingkad ang kulay nito na mas kaakit-akit ito sa mata ng mga mamimili.
Paliwanag ni Alejandre, masama sa kalusugan lalo na ng mga bata, buntis at matatanda ang makalanghap ng usok ng kandilang mayroon lead.
Aniya, upang maiwasan ito ay mahalagang siyasatin ang lable ng mga kandila, o di kaya ay huwag nang bumili ng kandilang labis na matingkad ang kulay.
“Isa din sa paalala ng EcoWaste Coalition, ang mga kandila na ganitong klase ay masama sa kalusugan at nagdudulot ng sakit lalong lalo na sa mga buntis, mga bata at nakakatanda dahil ang kandila kapag naaapuyan at may content na lead, na e-expose sa usok yung chemical na sya nating nalalanghap,” pahayag ni Alejandre sa Radyo Veritas.
Sa mga pintura naman, ay mahalagang hanapin ang tatak na nagsasaad na “Lead Safe Paint” ito.
Sa United States Consumer Product Safety Commission 90 parts per million of lead ang itinalagang limitasyon para sa mga pintura at kagamitan ng tao.
Ayon kay Alejandre,matagumpay ang kasalukuyan nilang kampanya para sa lead safe paint dahil marami ng lokal na pamahalaan ang tumatalina at nakakaunawa ng epekto ng lead o tingga sa kalusugan ng tao.
“Matagumpay itong kampanyang ito dahil marami nang local government na tumatalima sa mga probisyon, at nakakaintindi na sa posibleng dulot ng lead sa mga tao. Meron na tayong mga pintura at yung mga pinturang ito ay mayroon ng logo sa pagiging lead safe o ligtas sa tingga at piliin po natin yung pintura na may logo ng lead safe paint.” Dagdag pa ni Alejandre.
Sa linggo ika-28 ng Oktubre pormal na ilulunsad ng EcoWaste Coalition ang kampanya nitong “Igalang ang sementeryo, igalang ang kalikasan.”
Naniniwala ang grupo na pangunahing pa ring dapat bantayan ay ang pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran lalo na sa lugar kung saan binibigyang pagpapahalaga at inaalala ng bawat isa ang kanilang mahal sa buhay na yumao.