368 total views
Sa gitna ng nararanasang kahirapan sa Pilipinas at iba’t-ibang panig ng mundo dulot ng COVID-19 pandemic, bukod-tangi ang pagiging “Good Samaritan” ng tao lalu na ang mga Filipino.
Katangi-tanging mamamayan at ama ng tahanan. Sa Father’s day celebration, binibigyang pugay at pagkilala ng Radio Veritas 846 management ang isang katangi-tanging mamamayan at ama ng tahanan.
Siya si ginoong Fernando Lamac, 56-taong gulang na nabiyayaan ng dalawang anak, 26-anyos ang panganay na nakapagtapos ng kolehiyo habang ang 24-taong gulang na bunsong anak ay undergraduate.
Si ginoong Lamac ay nakatira sa Almanza Uno, Las Pinas city at ang pamamasada ng tricycle ang ikinabubuhay na nagtaguyod sa pag-aaral at pangangailangan ng mga anak.
Bilang tricycle driver sa rutang Alabang public market, si ginoong Lamac ay kumikita lamang ng 500 kada araw na nawala ng ipatupad ang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa kabila ng kawalang kita, nangibabaw pa rin ang kabutihang-loob at pagiging matulungin ni Mang Fernando.
Anim na beses na nag-donate si Mang Fernando sa “Church in Action at Spiritual Frontliner” program ng Radio Veritas kung saan ang nalilikom na pondo ay ipinamamahagi sa kapus-palad na mamamayan na nawalan ng kita at ikabubuhay dahil sa COVID-19 pandemic.
“Napakahirap naman talaga ang buhay, pero kaligayahan ko ang makapag-donate at makapagbigay ng tulong sa iba”.ito ang pahayag ni Mang Fernando
Ibinahagi ni ginoong Lamac na araw-araw siyang nag-iipon para lamang makapag-donate ng maliit na halaga sa programa ng Radio Veritas para sa kapwa niyang mahihirap.
Nakapagdudulot ng kasiyahan kay Mang Fernando na marinig sa Radio Veritas ang pasasalamat ng mga taong natulungan ng Radyo ng Simbahan. Sa panahon ng lockdown, pinakamalaking kita ng ulirang ama ay 350-pesos kada araw sa pagde-deliver sa palengke.
Ngayong Father’s day, mag-isa lamang niyang isi-celebrate ang araw na ito dahil ang dalawa niyang anak ay nakatira sa Cavite at sa telepono lamang niya ito nakakausap.
Bilang isa sa mga Spiritual Frontliners ng Radio Veritas ay araw-araw na ipinagdarasal ni Mang Fernando ang kalakasan ng katawan ng kanyang nanay (82), kapatid, mga anak at mga taong nagdurusa sa kasalukuyan dahil sa COVID-19 pandemic.