32,018 total views
Nakahanda na ang Basilika Menor de San Sebastian para sa tradisyunal na Dungaw, isang makasaysayang bahagi ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa January 9, 2026.
Sa pahayag ng dambana, muling masasaksihan ng mga deboto ang banal na pagtatagpo ng dalawang pintakasi ng Quiapo District, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno at ang Nuestra Señora del Carmen de San Sebastián na sumasagisag sa pagkakaisa ng pananampalataya at malalim na debosyon ng mga mananampalataya.
Ayon sa basilica, magsisimula ang mga gawaing paghahanda sa January 8 matapos ang misa sa alas-6 ng gabi, kung kailan ibababa ang imahe ng Nuestra Señora del Carmen de San Sebastián mula sa Retablo Mayor at isasagawa ang isang prusisyon patungo sa Camarín ng basilica.
Sa mismong kapistahan ng Jesus Nazareno sa January 9, magkakaroon ng mga banal na misa sa alas-6 at alas-7 ng umaga. Isasara naman pansamantala ang tarangkahan ng basilica bilang paghahanda sa Dungaw, ang pagdating ng imahe ng Jesus Nazareno sa Plaza del Carmen kung saan isaagawa ang seremonyang panalangin sa pangunguna ng mga misyonerong Agustino Rekoleto.
Muling bubuksan ang basilica sa January 10 para sa regular na iskedyul ng mga misa sa alas-6 at alas-7 ng umaga, at alas-6 ng gabi.
Ibinalik ng mga Agustino Rekoleto ang tradisyunal na Dungaw noong 2014 matapos itong mahinto sa loob ng ilang dekada mula pa noong unang bahagi ng 1900s.
Sa mga nagdaang taon, lumaganap na rin ang ritwal hindi lamang sa Maynila kundi maging sa mga karatig-lalawigan ng Bulacan at Nueva Ecija.
Makabuluhan din ang kasaysayan ng debosyon sa Nuestra Señora del Carmen sa bansa.
Ang unang pinagpipitagang imahen ng Birhen del Carmen sa Pilipinas ay ipinagkaloob ng mga Discalced Carmelite sa mga Agustino Rekoleto sa Mexico noong 1618, na nagbunsod sa paglaganap ng debosyon sa Brown Scapular sa bansa. Noong 1991, ginawaran ang imahe ng Pontifical Coronation mula sa Vatican.




