13,925 total views
Ito ang mariing pahayag ni Diocese of Lucena Ministry on Ecology director, Fr. Warren Puno, habang pinagninilayan ang sunod-sunod na sakuna at kalamidad sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, lalo na sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Fr. Puno, matindi ang pangamba ng mga tagapangalaga ng kalikasan sa patuloy na paggamit ng fossil fuels tulad ng karbon, langis, at fossil gas na unti-unting pumipinsala sa mundo.
Binigyang-diin din ng pari ang epekto ng pagtatayo ng mga coal-fired power plants na bagamat layuning mapunan ang pangangailangan sa enerhiya, ay nagdudulot naman ng polusyon, pagkasira ng kalikasan, at banta sa kalusugan ng mamamayan.
“Sana ay hindi totoo na sa bawat megawatt ng kuryente ay kapalit ang pagkasira ng kabundukan, kontaminasyon ng tubig, at karamdaman ng mamamayan. Sana ay tama sila—na hindi ito makakasama sa kalusugan, sa kalikasan, sa kinabukasan ng ating mga anak,” pahayag ni Fr. Puno.
Ngunit iginiit ng pari, hindi na maikakaila ang krisis sa klima na pinalalala ng patuloy na pagsira sa likas na yaman at kakulangan sa pagtutok sa malinis at makataong alternatibo sa enerhiya.
Para kay Fr. Puno, ang usaping ito ay hindi lamang teknikal, kundi pangkatarungan, dahil habang patuloy na kumikita ang malalaking industriya, ang mga nasa laylayan tulad ng mga magsasaka, mangingisda, at maralita ang higit na naaapektuhan ng krisis sa klima.
“Kung sakali mang kami’y nagkamali, wala namang mawawala sa panawagan naming pangalagaan ang kalikasan. Ngunit kung sila ang nagkamali… lahat tayo ang magdurusa. Walang ligtas sa bumabagsak na klima,” giit ng pari.
Pagbabahagi ng pari, na sa bawat pagkilos bilang tagapangalaga ng kalikasan, dala nito ang pangambang hindi pakinggan ang bawat hinaing, ngunit may pag-asang may magising, may kumilos, at may makialam.
“Ang pagiging environmental advocate ay hindi pagiging kontra sa pag-unlad, kundi paninindigan para sa makatarungan at makakalikasang kaunlaran,” dagdag niya.
Sa huli, nananawagan si Fr. Puno sa sambayanan na makinig, hindi lamang sa agham, kundi sa hinaing ng Inang Kalikasan, sa sigaw ng mga apektado, at sa tinig ng Diyos na patuloy na nagmamahal sa sangnilikha.
Magugunitang ibinahagi ng yumaong Papa Francisco sa Laudato Si’ ang panawagang pagpapalawak sa paggamit ng renewable energy upang tugunan ang kakulangan sa kuryente, at ihinto ang paggamit ng mapaminsalang fossil fuels.