21,369 total views
Nanawagan ang Kanyang Kabanalan Pope Leo XIV sa lahat ng mananampalataya na makiisa sa isang ‘Araw na Pag-aayuno at Panalangin para sa Kapayapaan’ o ‘Day of Fasting and Prayer for Peace’ sa darating na ika-22 ng Agosto 2025.
Ito ay pagsumamo sa Diyos ng katarungan, kapayapaan, at kaginhawaan para sa mga nagdurusa dahil sa patuloy na armadong sagupaan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hinihikayat ng Santo Papa ang mga Katoliko na ialay ang araw ng pananalangin at pag-aayuno bilang paghingi ng awa ng Panginoon, gayundin ang pagpahid sa mga luha ng mga nagdurusa at pagbibigay-liwanag sa mga bansang pinahihirapan ng digmaan.
“I invite all the faithful to take part in a day of fasting and prayer on August 22, imploring the Lord to grant us peace and justice, and to wipe away the tears of those who suffer because of ongoing armed conflicts. May Mary, Queen of Peace, intercede so that peoples may find the path of peace.” Bahagi ng panawagan ni Pope Leo XIV.
Itinuturing ng Simbahang Katolika ang pag-aayuno at pananalangin na makapangyarihang gawaing espirituwal na hindi lamang humuhubog sa personal na kabanalan ng bawat isa, kundi nagsisilbing panlipunang panawagan para sa pagkakaisa, kapatawaran, at tunay na kapayapaan.
Sa katuruan ng Simbahan, ang kapayapaan ay bunga ng katarungan, pagkakapatiran at pagmamahal.
Muling pinaalalahanan ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya na makiisa hindi lamang sa pananalangin kundi sa pagiging saksi ng pag-ibig ng Diyos sa gitna ng kaguluhan at pagdurusa ng nararanasan ng sanlibutan.