252 total views
Puspusan na ang paghahanda ng Archdiocese of Nueva Caceres upang magabayan ang Espirituwal na kahandaan ng mga mananampalataya para sa taunang pagdiriwang ng Peñafrancia Festival.
Ayon kay Msgr. Noe Badiola, Parish Priest ng Naga Metropolitan Cathedral, bahagi ng paghahandang pang-espirituwal na isinasagawa ng Simbahan ay ang paglilibot ng Imahen ng Our Lady of Peñafrancia sa iba’t-ibang mga paaralan, Institusyon at Establisyemento kung saan nagsasagawa ng mga serye ng pananalangin at Misa.
Bukod dito, inihayag ng Pari ang pagbibigay ng recollection sa mga mananampalataya sa iba’t-ibang parokya upang ihanda ang mga ito sa pagdiriwang sa kapistahan ng Mahal na Ina.
“Siyempre yung spiritual preparation kaya pinaglilibot namin yung image ni Ina yung Virgin of Peñafrancia sa mga school, sa mga Institution saka sa mga Commercial Establishment yung gustong tanggapin si Mama Mary sa kanila to stay with them para sa pagdarasal at saka ganun din may misa sa kanilang lugar, so ganun din yung mga ginagawa namin yung pagpapa-recollection sa mga parish namin, nakaschedule na yun para preparation for the Parishioners…” pahayag ni Msgr. Badiola sa panayam sa Radyo Veritas.
Samantala bukod sa paghahandang pang-espirituwal, pinaghahandaan ng Simbahan katuwang ang pamahalaang lungsod ng Naga ang kaayusan at kaligtasan ng mga deboto at maging ng mga turista na inaasahang dadagsa sa lalawigan upang makibahagi sa nakatakdang Peñafrancia Festival.
Pagbabahagi ni Msgr. Badiola, kabilang sa mga tinitiyak ng binuong Joint Operation Center para sa kapistahan ang seguridad, kumunikasyon, traffic at contingency plan para sa anumang emergency situation sa kasagsagan ng kapistahan.
“In cooperation with the City Government merong tinatawag na JOC o Joint Operation Center, kaya bali yun yung naglalalatag ng lahat ng preparation kaugnay ng fiesta kasama na diyan ang Security, Communication, Traffic tapos yung mga Emergency Situation o anong contingency kaya involve dito lahat ng sangay ng Gobyerno lahat po yan ay pinag-mimeetingan na at patuloy pa ring nagmi-meeting para lahat maging maayos at maging ligtas lahat ng papasok dito o magbibisita o mga turista…” pagbabahagi pa ni Msgr. Badiola.
Taong 2016, umaabot ng 1.8-milyon ang bilang ng mga debotong nakiisa sa pagdiriwang habang mahigit sa 2-milyon ang nakiisa noong nakaraang taon.
Tumatagal ng higit isang linggo ang Pista ng Our Lady of Peñafrancia na nagsisimula kung kailan inilipat ang milagrosong imahen ng Nuestra Señora de Peñafrancia mula sa kanyang Shrine patungo sa Naga Metropolitan Cathedral sa pamamamagitan ng Translacion o Prosisyon.