24,839 total views
Bago ang pormal na pagbubukas ng ika-20 Kongreso, isang thanks giving mass ang isasagawa sa Linggo, isang araw bago ang ika-apat na State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes July 28.
Gaganapin ang misa sa Manila Cathedral ganap na ika-apat ng hapon sa July 27, na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Ang misa ay inaasahang dadaluhan ng mga mambabatas, mamamahayag at mga kawani ng Mababang Kapulungan.
Samantala, una na ring inihayag ni House Spokesperson Atty. Princess Abante na 90 hanggang 95 porsyento nang handa para sa pagtitipon na gaganapin sa Batasang Pambansa.
Nitong Lunes, isinagawa ang huling inter-agency coordination meeting bilang paghahanda sa pag-uulat sa bayan ng Pangulong Marcos.
Ayon kay Abante, nasa huling yugto na ng paghahanda ang Kamara, kung saan lahat ng kaukulang ahensya ay maingat na binabantayan ang lagay ng panahon at inaayos ang mga contingency plan.
Sa kabila ng pabugso-bugsong pag-ulan nitong mga nagdaang araw, nilinaw ni Abante na hindi ito naging sagabal sa paghahanda.
“Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ‘yung preparations natin. Hindi naman siya naaantala. Of course, we will keep on monitoring ‘yung developments ng ating panahon sa mga susunod na araw. Pero as of today, tuloy-tuloy at wala namang disruption sa mga preparations,” paliwanag niya.
Sinabi rin ni Abante kinokonsidera ang contingency plans sakaling lumala ang lagay ng panahon, ngunit wala pang napag-uusapan tungkol sa posibleng pagpapaliban ng physical gathering.
Dagdag pa niya, tapos na ang mga security preparations at magiging katulad ito ng sa nakaraang taon, na may kaunting pagbabago kung kinakailangan.
“Of course, there will always be adjustments on various situations or concerns, but just the same, the security group is all prepared for next week’s SONA,” ayon pa sa tagapagsalita ng Kamara.
Nilinaw din ni Abante na wala silang natatanggap na partikular na banta sa seguridad sa ngayon, ngunit patuloy ang ginagawang pagbabantay ng mga awtoridad.
“Sa ngayon, wala naman akong alam specifically na binabantayan. Of course, the Philippine National Police and the Presidential Security Council are always prepared for any security threat. But any specific, well, I have no information,” ayon pa kay Abante.




