528 total views
Ang isyu ng tubig ay umuugong na naman sa ating bayan ngayon, kapanalig. Paparating na ang El Nino ayon sa mga eksperto, at malaki ang magiging epekto nito sa suplay ng tubig sa ating bayan.
Kapanalig, bakit nga ba hanggang ngayon, ang katiyakan sa tubig sa ating bayan ay isang pabalik balik na suliranin sa ating bayan?
Understatement, kapalig, kung sasabihin natin na mahalaga ang tubig sa Pilipinas. Ang katotohanan, ang tubig is life sa atin. Lahat ng ating ginagawa, lahat ng ating negosyo at industriya, nakasalalay sa suplay ng tubig. Paralisado ang ating kabahayan at kabuhayan kung wala nito. Kaya nga’t nakapagtataka kung bakit hanggang ngayon, hindi natin mapangalagaan at matiyak ang suplay nito, kahit pa mayaman sa likas na yaman ng tubig. Mayroon tayong malalaking ilog, lawa, at iba pang mapagkukunan ng tubig.
Marahil kapanalig, kailangan pa natin itaas ang ating kapasidad sa paghahanap, pagdedevelop, at pangangalaga ng tubig. Hirap na hirap kasi tayo, kapanalig, sa pagpaplano at pamamahala ng katiyakan sa tubig. Ayon nga sa National Water Resources Board, mga 11 milyong pamilyang Filipino ang walang access sa malinis na tubig.
Kailangan ng ating bayan, kapanalig, na maitaas ang ating kakayahan sa pamamahala sa tubig mula sa nasyonal hanggang lokal na lebel. Kitang kita naman ang mga problema natin sa wastong pag-gamit ng tubig. Ehemplo na lamang natin dito ay ang polusyon at pagkasira ng mga water basins sa ating bayan. Alam din natin na hindi sapat ang mga imprastraktura tulad ng mga dams, flood mitigation facilities, pati na rin sewerage.
Lumalala ang problema kapanalig habang hindi natin na-a-ayos ang pamamahala sa tubig dahil palala na rin ng palala ang epekto ng climate change, na malaki ang impact sa katiyakan ng tubig sa ating bansa. Eto nga, paparating na El Niño, at mas dumadalas ang tagtuyot. Kung lagi tayong hindi handa sa mga pangyayaring ito, paano na tayo?
Sabi sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good ng mga US Catholic Bishops: True stewardship requires changes in human actions—both in moral behavior and technical advancement. Kapanalig, hindi na tama na hanggang ngayon, kulang pa rin ang ating mga plano at aksyon ukol sa katiyakan ng suplay ng tubig sa ating bayan.
Panahon na upang magkaroon na tayo ng mga imprastraktura at teknolohiya na magpapabuti sa pamamahala ng tubig. Ilan lamang sa maaring gawin ay ang mas aktibong pangangalaga sa mga water basins ng bayan, pagkakaroon ng ligtas, makatao, at makakalikasan na imprastraktura gaya ng mga bagong dam, kasama na ang pag-upgrade sa mga water systems at alkantarilya ng bansa. Kailangan din nating mag modernize – gumamit naman tayo ng mga teknolohiya tulad ng mga sensor at systems na tutulong sa atin na mangalaga ng ating mga water resources.
Ang katiyakan sa tubig ay responsibilidad nating lahat. Ang gobyerno ang dapat manguna sa pangangalaga at maayos na pangangasiwa nito upang matiyak na may suplay tayo ng tubig hindi lang ngayon, kundi sa susunod pang mga henerasyon.
Sumainyo ang Katotohanan.