7,258 total views
Nilinaw ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David na walang mga partikular na kandidato sa gagawing conclave kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis.
Ipinaliwanag ng pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na magkaiba ang pamamaraan ng pagpili ng lider ng simbahang katolika sa pampamahalaang pulitika.
“Wala pong kandidato sa conclave, huwag po ninyong ipo-project ang concept natin ng halalan tulad ng nakagisnan nating mga halalan sa ating gobyerno,” pahayag ni Cardinal David.
Ayon pa sa cardinal hindi maituturing na eleksyon ang paghahanap ng susunod na santo papa ng simbahang katolika kundi ‘retreat’ para sa mga Cardinal Electors sapagkat panahon ito ng taimtim na mga panalangin at pagninilay sa tulong ng Banal na Espiritu.
“Malaki ang aming moral and spiritual obligation to enter into the conclave not in the spirit of politics but in the spirit of prayer,” dagdag pa ni Cardinal David.
Iginiit ni Cardinal David na walang sinumang maghahangad na maging santo papa dahil sa kaakibat na malaking tungkuling gagampanan sa buong simbahang katolika lalo na ang pagpapastol sa mahigit isang bilyong katoliko sa buong mundo.
Apela ni Cardinal David sa mamamayan na magbuklod sa panalangin lalo na kung magsisimula na ang mga cardinal sa gaganaping conclave sa mga susunod na 15 araw o hindi lalampas sa 20 araw mula nang pumanaw si Pope Francis upang sa diwa ng Espiritu Santo ay maihalal ang karapat-dapat na kahaliling punong pastol ng simbahan.
Panawagan nito sa publiko na iwasan ang pagbabahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon upang maiwasan ang misinformation lalo na sa mga mahahalagang usapin.
Sa Pilipinas tatlo ang Cardinal Electors sina Cardinal David, Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula at Cardinal Luis Antonio Tagle na kasalukuyang Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization.
Sa datos ng Vatican nasa 135 sa 252 cardinal sa mundo ang mga Cardinal Electors kung saan mayorya nito ay itinalaga ni Pope Francis o nasa 108 cardinal electors, 22 kay Pope Benedict XVI at lima naman kay St. John Paul II.
April 21, Easter Monday nang pumanaw si Pope Francis sa edad na 88 taong gulang dahil sa karamdaman at kasalukuyang nakahimlay ang mga labi sa chapel ng Casa Santa Marta sa Vatican