401 total views
Inihayag ni Virac, Catanduanes Bishop Luisito Occiano na walang sakuna ang makatitinag sa pag-asang hatid ng paghahari ni Kristo sa sanlibutan.
Ito ang mensahe ng obispo kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari, ilang araw matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan sa lalawigan.
Ayon kay Bishop Occiano, nananatili ang paghahari ni Kristo at ang matatag na pananampalataya ng mga Catandunganon sa kabila ng malawakang pinsala.
“In these difficult days, the Spirit has revealed something deeper than destruction: the resilience, unity, and unyielding faith of the people of Catanduanes – stronger than the winds, steadier than the floodwaters, and brighter than the darkness left in the storm’s wake,” pahayag ni Bishop Occiano.
Ibinahagi rin ng obispo ang mga napagkasunduan sa ginanap na Clergy Assembly ng diyosesis, kabilang ang pagpapalakas ng disaster preparednes sa tulong ng Parish Pastoral at Barangay Councils, at maging Caritas hubs.
Paiigtingin ng diyosesis ang pagbisita sa mga tahanan, pananalangin kasama ang mga pamilya, at mas aktibong presensya ng mga pari sa mga pamayanan.
“Our parish social services and Caritas desks must be strengthened so the Church remains a constant, compassionate, and listening presence to our poor and most vulnerable families,” ayon sa obispo.
Hinimok din ni Bishop Occiano ang pagpapatuloy at pagpapalawak ng bayanihang Catandunganon, mula sa muling pagtatayo ng mga tahanan at kabuhayan hanggang sa pagsuporta sa mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mahihirap tulad ng feeding at health assistance.
Bahagi rin ng pastoral statement ang mas matatag na panawagan para sa pangangalaga ng kalikasan bilang mahalagang bahagi ng pagbangon, kabilang ang pagtutol sa anumang mapaminsalang gawain sa kapaligiran.
Kabilang sa panawagan ng obispo ang pagpapatibay ng moral na pundasyon ng komunidad sa pamamagitan ng patuloy na paghuhubog para sa kabataan, pamilya, mga lider, at mga pari.
Nagpahayag din si Bishop Occiano ng taos-pusong pasasalamat sa lahat nagpaabot ng tulong at suporta, lalo na sa mga paring naglingkod sa gitna ng unos.
Gayunman, aminado ang obispo na mahaba pa ang landas ng rehabilitasyon, kaya naman hiniling nito ang patuloy na suporta para sa pagbangon ng isla.
“Together, as one Body, we can restore hope with dignity… As we honor Christ our King, let us journey forward with courage, gratitude, and renewed hope,” saad ni Bishop Occiano.




