192 total views
Nagbigay ng ilang paalala sa publiko si Dr. Tony Leachon hinggil sa wastong pag-iingat sa banta ng COVID-19 Omicron variant.
Ayon kay Leachon, dating Special Adviser to the National Task Force on COVID-19 na bagamat bakunado o nakatanggap na ng booster shot laban sa virus, higit pa ring mahalaga ang pagtalima sa minimum public health standards laban sa virus.
Tulad na lamang nito ang palagiang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa physical distancing upang mapanatili ang kaligtasan mula sa COVID-19 transmission.
“Even if you’re vaccinated and boosted, it’s important to mask up in public indoor spaces to protect yourself and people around you from COVID,” ayon kay Leachon.
Iminungkahi rin ng dating opisyal ng pamahalaan na mas makabubuting gumamit ng “medically grade” na face masks tulad ng N95 masks, dahil napatunayan nang mas epektibo itong pananggalang laban sa COVID-19.
“And in light of Omicron [variant], consider upgrading to N95 or similar medical-grade masks, which do a better job of blocking viral particles for the wearer,” saad ni Leachon.
Batay sa ulat ng Department of Health, umabot sa mahigit 33,000 ang naitalang panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan umabot naman sa 157-libo ang aktibong kaso.
Nauna nang ipinaalala ni Catholic Bishop’s Conference of the Philippines-Health Care Ministry vice chairman, Military Bishop Oscar Jaime Florencio na panatilihin ang pagiging mahinahon sa kabila ng banta ng Omicron variant sa bansa.
Sinabi pa ng obispo na dapat ding ugaliin ng mamamayan ang pananalangin para sa kaligtasan ng lahat at ganap na kagalingan laban sa umiiral na pandemya.