166 total views
Nanawagan ang Greenthumb Coalition sa mamamayan na makilahok sa pagdiriwang ng Earth day bukas, ika-22 ng Abril sa pamamagitan ng isang concert para sa kalikasan sa Quezon Memorial Circle,Quezon City.
Ayon sa grupo, layunin ng pagdiriwang na bigyang diin ang kasalukuyang suliranin ng mundo na climate change.
Dagdag pa rito, magiging daan din ito upang pukawin ang atensyon ng mga kandidato sa nalalapit na May 9 National Elections para sa iba’t ibang suliraning nasasaklawan ng kalikasan, tulad ng mining, pagtatayo ng mga planta, logging, agriculture, food and water security, at integrity of creation.
“Mga kapanalig, inaanyahan ko po kayo para sa gagawing konsyerto para sa kalikasan bukas ng gabi, tinatawag namin syang tinig ng sampung milyon para sa kalikasan. Dito ipi-present din ang Green Electoral Scorecard kung saan lahat ng mga presidentiable at vice presidentiable ay hiningan naming ng kanilang hinaing tungkol sa kanilang agenda para sa kalikasan.” Pahayag ni Bro Angel Cortez, OFM – NCR Coordinator ng Ecological Justice Interfaith Movement, kasapi ng Greenthumb Coalition.
Tiniyak ng grupo na matapos ang malawakang pagkilos at ang nalalapit na eleksyon ay magiging mapagmatyag ang mga environment advocates sa pagtupad ng mga pulitiko sa kanilang ipinangako.
Inaasahang libo-libong mamamayan ang makikilahok sa pagdiriwang ng earth day bukas sa Quezon Memorial Circle sa ganap na alas-sais ng gabi na may temang tinig ng sampung milyon para sa kalikasan.
Samantala, kasabay nito 200 bansa rin ang makikiisa sa Earthday na taun-taong ipinagdiriwang tuwing ika22 ng Abril na magugunitang nag simula sa America, limang dekada na ang nakalilipas.
Kaugnay dito una nang inanyayahan ni Pope Francis sa Laudato si, ang bawat indibidual na makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa ating sariling kultura, karanasan, at talento.