3,485 total views
Kasunod ng pagretiro ni Antipolo Bishop Francisco De Leon ay nasa anim na ang sede vacante sa Pilipinas.
Ito ay makaraang italaga ni Pope Francis si Balanga Bishop Ruperto Santos bilang kahalili ni Bishop De Leon sa Antipolo nitong May 24, 2023.
Sa pagsaliksik ng Radio Veritas, October 2019 nang mabakante ang Diocese of Alaminos nang italaga si Archbishop Ricardo Baccay sa Archdiocese of Tuguegarao, November 2022 nang mabakante ang Apostolic Vicariate of Calapan sa Mindoro dahil sa karamdaman ni Bishop Warlito Cajandig, March 3 ng kasalukuyang taon nang italagang arsobispo ng Capiz si Archbishop Victor Bendico kaya’t sede vacante ang Diocese of Baguio.
Sa pagpanaw ni Bishop Victor Ocampo noong March 16, 2023 sede vancante ngayon ang Diocese of Gumaca, April 25 nang italagang ikapitong arsobispo si Bishop Julius Tonel sa Archdiocese of Zamboanga dahilan upang mabakante ang Diocese of Ipil at ikaanim na sede vacante sa bansa ang Diocese of Balanga sa Bataan na pinanggalingan ni Bishop Santos.
Nasasaad sa canon law [Can. 401] na kinakailangang magsumite ng resignation letter ang isang obispo sa edad na 75 taong gulang hudyat na sisimulan ng Vatican ang proseso sa paghahanap ng kahalili na maaring mapalawig batay sa desisyon ng Santo Papa.
Bukod sa anim na sede vacante apat na pinunong pastol ang nasa mandatory retirement age ngayong taon, ang 76 taong gulang na si Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona; Virac Bishop Manolo de los Santos; Cubao Bishop Honesto Ongtioco na magdiriwang ng ika – 75 kaarawan sa Oktubre habang sa Disyembre naman si Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud.