5,493 total views
Idineklara ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang taong 2025 hanggang 2027 bilang espesyal na taon para sa Apostolic Vicariate of Puerto Princesa bilang paghahanda sa 25th Canonical Anniversary ng bikaryato sa 2027.
Pinangunahan ni Bishop Mesiona sa misang idinaos sa Immaculate Conception Cathedral ng Puerto Princesa noong ikatlo ng Hulyo, 2025 ang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng elevation o pagdideklara sa Palawan bilang isang Apostolic Vicariate mula sa pagiging Apostolic Prefecture noong July 3, 1955.
Nakatakda namang gunitain sa taong 2027 ang 25th Canonical Anniversary mula ng opisyal na itatag ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa matapos na hatiin sa dalawa ang Apostolic Vicariate of Palawan noong May 13, 2002.
“I solemnly declare that the years 2025–2027 will be years of celebration and thanksgiving for the Apostolic Vicariate of Puerto Princesa in joyful anticipation of its 25th Canonical Anniversary.” Bahagi ng deklarasyon ni Bishop Mesiona.
Hinamon naman ng Obispo ang mga mananampalataya sa bikaryato na patuloy na yakapin ang misyong higit pang palaganapin ang pananampalataya sa Panginoon kasabay ng pagharap sa kinabukasan na may pag-asa sa pangakong kaligtasan ng Panginoon para sa lahat.
“Panibagong pangako, tanawin ng may pag-asa. Ihanda natin ang ating sarili para sa susunod na kabanata ng misyon,” Dagdag pa ni Bishop Mesiona.
Katuwang ni Bishop Mesiona sa pagpapastol sa mahigit 500,000 Katoliko sa Puerto Princesa ang may 60 mga Pari na kanya ring katuwang sa pangangasiwa sa 36 na parokya sa bikaryato.