7,794 total views
Itinuring na nakakahiyang katotohanan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David na ang Pilipinas ang nangungunang bansa sa buong mundo sa pagtatapon ng basura sa karagatan, isang krisis na dapat harapin at ayusin ng bawat mamamayan.
“The Philippines—our beloved archipelago of 7,641 islands—is ranked Number 1 in the world in contributing trash to the ocean. Not number one in reading, science, or mathematics. Not number one in good governance or environmental stewardship. But number one in polluting the very seas that give us life,” pahayag ni Cardinal David.
Ayon kay Cardinal David, higit dalawampung taon nang naipasa ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2003, subalit hindi ito ganap na naisakatuparan dahil sa kakulangan ng disiplina sa paghihiwalay ng basura at maling pamamalakad ng ilang lokal na pamahalaan.
Dagdag ng kardinal, ang mga sanitary landfill ay nagiging puno ng dumi at humahantong sa polusyon ng dagat, pagkalason ng isda, pagkasira ng kabuhayan ng mangingisda, at panganib sa seguridad ng pagkain.
“The sea that once fed our people is now choking with plastic washed down through our canals, creeks, and rivers by torrential rains into the ocean. We did this—to ourselves, to our neighbors, to our children,” giit ni Cardinal David.
Binigyang-diin ni Cardinal David na ang kalagayang ito ay kasalanan laban sa kalikasan, sa mahihirap na unang naaapektuhan at sa susunod na henerasyon.
Hinikayat ng kardinal ang publiko na magsimula sa sariling tahanan sa paghihiwalay ng basura, suportahan ang recycling at composting, at ipanawagan sa lokal na pamahalaan ang mas maayos na pamamahala ng basura.
“Start treating our country as the fragile, beautiful, irreplaceable archipelago that God entrusted to our care,” saad ni Cardinal David.
Batay sa 2023 Plastic Polluters study ng Utility Bidder, ang Pilipinas ang nangunguna sa pagtatapon ng plastic sa dagat, na umaabot sa tinatayang 3.30 kilograms kada tao bawat taon at higit 350,000 tonelada taun-taon.




