528 total views
Opisyal na nagpasa ng kaso noong December 11, 2025 sa United Kingdom ang 67 biktima ng Super Typhoon Odette mula Cebu at Bohol laban sa oil giant na Shell, isang makasaysayang hakbang na layong papanagutin ang kumpanya sa mga pinsalang dulot ng lumalalang krisis sa klima.
Ayon sa mga nagsampa ng kaso, may pananagutan ang Shell sa bigat ng pinsala ng Bagyong Odette noong 2021 dahil sa malaking ambag nito sa global carbon emissions at climate change.
Hiniling ng mga biktima ang financial compensation para sa mga nasawi, nasaktan, at nawalan ng tahanan, pati na rin ang paghihigpit sa operasyon ng korporasyon na patuloy na nagdudulot ng polusyon.
“This moment truly matters because it centers on the voices of communities who suffered immense loss yet have long been unheard,” ayon sa pahayag.
Kinilala naman ng Simbahang Katolika ang pagsasampa ng kaso bilang mahalagang hakbang sa moral at panlipunang pananagutan.
Binigyang-diin ni Bishop Gerardo Alminaza, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace (CBCP-ECSA-JP) at pangulo ng Caritas Philippines, na hindi maaaring manahimik ang Simbahan habang patuloy na naaapektuhan ang mahihirap ng krisis sa klima.
Ayon kay Bishop Alminaza, ang kaso ay paalala na ang desisyon at kapabayaan ng malalaking korporasyon ay may tunay na epekto sa buhay ng mga tao.
Kasabay ng pagdiriwang ng Taon ng Hubileo ng Pag-asa, nanawagan ang obispo sa pamahalaan, pampublikong sektor, at mamamayan na makiisa sa panawagan para sa climate accountability at kaligtasan ng mga komunidad, lalo na sa gitna ng mga desisyong nagbabalik sa mapanganib na fossil fuel dependence.
“Let us support efforts that seek truth, accountability, and healing. Climate justice is not against development. It ensures that development does not sacrifice lives, creation, and future generations,” ayon kay Bishop Alminaza.
Ang pananalasa ng Super Typhoon Odette, na may international name na Rai, noong 2021 ay nagdulot ng malawakang pinsala sa Visayas at Mindanao, kumitil ng daan-daang buhay, at puminsala sa libo-libong tahanan at kabuhayan.




