3,265 total views
Nagpaabot ng panalangin at mariing nanawagan para sa kapayapaan si Pope Leo XIV sa patuloy na pag-atake sa Ukraine at umiigting na tensyon sa Middle East, lalo na sa Iran at Syria.
Sa kanyang Angelus sa Vatican sinabi ng Santo Papa na lubhang apektado ang mga sibilyan sa Ukraine dahil sa mga panibagong pag-atake sa mga mahahalagang imprastraktura, lalo na sa sektor ng enerhiya, kasabay ng paglala ng malamig na panahon.
“In Ukraine, new attacks, particularly severe ones aimed at energy infrastructure as the cold weather grows harsher, are taking a heavy toll on the civilian population,” bahagi ng pahayag ni Pope Leo XIV.
Dalangin ng santo papa na mawakasan ang mga karahasan at muling iiral ang pagbubuklod tungo sa isang mapayapang lipunan.
“I pray for those who suffer and renew my appeal for an end to the violence and for renewed efforts to achieve peace,” ani ng Santo Papa.
Binanggit din ni Pope Leo ang kasalukuyang sitwasyon sa Gitnang Silangan, kung saan patuloy na umiiral ang mga karahasang kumikitil ng buhay ng mamamayan.
“My thoughts turn to the situation currently unfolding in the Middle East, especially in Iran and Syria, where ongoing tensions continue to claim many lives,” aniya.
Muling hinimok ng Santo Papa ang mga pinuno at mamamayan gayundin ang international community na magtulungang tahakin ang landas kapayapaan para sa kabutihan ng nakararami.
“I hope and pray that dialogue and peace may be patiently nurtured in pursuit of the common good of the whole of society,” dagdag ni Pope Leo.
Sa parehong mensahe, nagpaabot din ng basbas ang Santo Papa sa mga batang nabinyagan at mga tatanggap pa lamang ng sakramento ng binyag sa iba’t ibang panig ng mundo kasabay ng Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon.
Inalala ng punong pastol sa mga panalangin ang mga sanggol na isinilang sa mahihirap na kalagayan, dulot man ng karamdaman o panganib sa kapaligiran, at ipinagkatiwala sila sa mapagkalingang pag-aaruga ng Mahal na Birheng Maria.
Patuloy namang nananawagan ang Vatican ng panalangin at pagkilos para sa agarang kapayapaan sa mga lugar na patuloy na nilulugmok ng digmaan at karahasan.




